TAIPEI, Taiwan – Sinabi ni Taiwanese President Lai Ching-te noong Linggo na hinding-hindi nito ipagpapalit ang Taiwan habang hinimok ang Estados Unidos na ipagpatuloy ang pagbebenta ng armas upang mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon.
Ang pahayag ay ginawa matapos sabihin ni US President Donald Trump na maaaring gamitin bilang bargaining chip ang pagbebenta ng armas sa Taiwan sa pakikipag-ugnayan sa China, na itinuturing ang Taiwan bilang bahagi ng teritoryo nito.
Sa isang statement sa Facebook, sinabi ni Lai na ang patuloy na pagbebenta ng armas ng US sa Taiwan at pagpapalalim ng security cooperation ay mahalaga sa pagpapanatili ng regional peace at stability.
“The United States’ continued arms sales to Taiwan and deepening of Taiwan-US security cooperation are not only necessary but also key elements in maintaining regional peace and stability,” ani Lai.
Dagdag pa niya, ang Taiwan ay nasa “core” ng pandaigdigang interes dahil sa mahalagang papel nito sa AI at semiconductor industry at “will never be sacrificed or traded away”.
Nagpahayag ng pagkabahala ang Taipei matapos ang pahayag ni Trump na maaaring gamitin ang arms sales bilang negotiating tool sa China. Ayon sa kanya, ito ay “very good negotiating chip” para sa US.
Sa ilalim ng batas ng US, obligadong magbigay ng armas ang Amerika sa Taiwan para sa depensa nito, bagama’t nananatiling hindi malinaw kung direktang tutulong militar ang US sakaling salakayin ang isla.
Sinabi naman ni US House Speaker Mike Johnson na “reasonable” ang naging pahayag ni Lai at dapat ipakita ng Taiwan ang lakas nito.
“They’ve got to flex their muscle a little bit,” ani Johnson.
Kamakailan, nag-apruba ang parliament ng Taiwan ng $25 billion defense spending bill para sa pagbili ng armas mula sa US, kabilang ang bahagi ng malaking arms package mula Washington.
Sinabi rin ni Trump na pinag-aaralan pa niya ang arms sales at magdedesisyon sa “over the next fairly short period of time.”
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Trump na hindi niya nais magkaroon ng digmaan at nais niyang “cool down” ang tensyon sa pagitan ng China at Taiwan.
Binigyang-diin naman ni Lai na ang China ang “root cause of regional instability” ngunit iginiit na hindi rin magpapadala ang Taiwan sa pressure at mananatili ang kasalukuyang status quo. RNT/MND