Home NATIONWIDE DOTr planong magtayo ng tatlong bagong busway corridor sa Metro Manila

DOTr planong magtayo ng tatlong bagong busway corridor sa Metro Manila

2
0

MANILA, Philippines – Pinaplano ng Department of Transportation (DOTr) na magtayo ng tatlong bagong busway corridor sa Metro Manila na magiging karagdagang ruta sa kasalukuyang EDSA Busway system.

Ito ang ibinahagi ni DOTr Undersecretary for Roads Mark Steven Pastor sa kanyang talumpati sa isang forum na inorganisa ng European Chamber of Commerce of the Philippines (ECCP) sa Pasay City nitong Huwebes, Oktubre 8.

Tinukoy ng DOTr ang tatlong pangunahing kalsada para sa busway plans, kabilang ang C-5 Corridor, Quezon Avenue Corridor, at Ortigas-Aurora Corridor.

Ang C-5 Corridor busway ay may habang 45.6 kilometro na may 88 bus stops.

Ang Quezon Avenue line ay 26.24 kilometro na may 62 bus stops, habang ang Ortigas-Aurora busway ay 30.50 kilometro na may 65 bus stops.

Sinabi ni Pastor na ang tatlong corridors, sa ilalim ng planong NCR Busway Project ay “palalawakin ang tagumpay ng EDSA Busway tungo sa isang metropolitan network na integrated sa rail, terminals, at major activity centers.”

Aniya, natukoy ang tatlong pangunahing kalsada sa National Capital Region (NCR) matapos ang initial study na pinondohan ng World Bank grant.

Sinabi ng opisyal na kasalukuyang isinasapinal ng ahensya ang terms para sa isang foreign grant upang magsagawa ng detalyadong feasibility study para sa mga bagong corridors.

Dagdag pa niya, ang tatlong bagong busway ay planong magkaroon ng dedicated lanes na may mas maayos na accessibility design kumpara sa kasalukuyang EDSA line.

“We hope that it’s more improved… still a dedicated lane, but would be more catering now to… more PWD-friendly compared to the EDSA Busway,” ani Pastor.

Ang projections para sa ridership, private sector participation (PPP) structure, at operation models para sa mga bagong ruta ay pipinal matapos ang detalyadong design study, aniya.

Samantala, para sa kasalukuyang EDSA Busway system, sinabi ni Pastor na ang 2027 General Appropriations Bill (GAB) mula sa House of Representatives ay naglaan ng P75 milyon para sa infrastructure improvements sa susunod na taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here