BOHOL, Philippines – Isinusulong ni Bohol Governor Erico Aristotle Aumentado na isama ang Bohol bilang international gateway sa ilalim ng 14-day visa-free entry arrangement ng pamahalaan para sa mga Chinese tourists at business travelers.
Ayon kay Aumentado, pormal nang humiling ang provincial government ng tulong mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Tourism (DOT) para payagan ang “Visa Upon Arrival” scheme sa Bohol upang mas mapadali ang pagpasok ng mga dayuhang turista, lalo na mula China.
“We requested Department of Tourism Secretary Bernardita Angara-Mathay to allow a Visa Upon Arrival scheme in Bohol to make it easier for tourists to visit us,” ani Aumentado.
Layunin ng panukala na mapabilis ang proseso ng pagbisita sa lalawigan at makahikayat ng mas maraming international tourists, habang isinusulong din ang dagdag na direktang international flights sa Bohol–Panglao International Airport.
Nakipagpulong na rin ang gobernador sa DOT at Aboitiz InfraCapital upang talakayin ang pagpapalawak ng chartered flights at pagpapabuti ng sistema ng tourist arrivals.
Ayon sa provincial government, ang hakbang ay bahagi ng tourism development roadmap ng Bohol bilang UNESCO Global Geoparks site at inaasahang magpapalakas ng turismo, trabaho, at pamumuhunan sa lalawigan.
Giit pa ni Aumentado, umaasa siyang maideklara ang Bohol–Panglao International Airport bilang opisyal na gateway sa visa-free entry program na kasalukuyang ipinatutupad sa Cebu at Manila para sa mga turistang Chinese.
Sinabi rin ng lalawigan na mula 2022 hanggang 2025, umabot sa 146,000 Chinese tourists ang bumisita sa Bohol, na ikalawang pinakamalaking tourist market ng probinsya. RNT/MND