Home NATIONWIDE Higit 13K pamilya sa Makati makatatanggap ng 10 kilo ng bigas kada...

Higit 13K pamilya sa Makati makatatanggap ng 10 kilo ng bigas kada dalawang buwan

65
0

MANILA, Philippines – Nakatakdang makatanggap ng tig-10 kilo ng bigas kada dalawang buwan ang kabuuang 13,571 pamilya sa Makati City sa ilalim ng “Bawat Bayan Makikinabang” program ng pamahalaan.

Personal na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang distribusyon ng ayudang bigas sa Makati nitong Lunes ng umaga, Mayo 18 kung saan ang mga benepisyaryo ay nakatanggap ng ayuda sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF).

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), kabilang sa mga benepisyaryo ang working-class families, senior citizens, at middle-income households sa mga barangay sa Makati.

Ani Marcos, ang pagtugon sa gutom ang isa sa kanyang pangunahing layunin mula nang manungkulan.

“Noong una po akong umupo bilang Pangulo, in-interview po ako at tinanong sa akin, ‘Ano ba talaga ang layunin mo na pagkatapos mo maging Presidente, anong pinakamagandang achievement na pwedeng masabi?’” pag-aalala ni Marcos.

“Sabi ko eh, ang talagang pangarap ko ay masabi natin na wala nang Pilipinong gutom,” dagdag pa niya.

Dahil dito ay inilaan niya umano ang bahagi ng LGSF para sa rice assistance program.

“Alam naman nating mga Pilipino, para sa atin kung walang bigas, walang kain. Kaya mahalaga na makapagbigay tayo, makatiyak ang ating mga mas nangangailangan na kababayan na mayroon silang makain,” anang Pangulo.

Sinaksihan ni Marcos ang distribusyon ng P200,000 na tulong sa ilalim ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF) sa participating barangays sa Makati.

Sa ilalim ng programa, ang bawat barangay ay nakatanggap ng P100,000 para sa educational assistance sa limang presidential scholars.

Para sa Makati, mayroong 115 iskolar mula sa 23 barangay ang nakinabang sa naturang inisyatiba.

“Whatever the reason is, ito ‘yung tulong para naman makapag-graduate ‘yung ating mga kabataan. Dahil napakahalaga na magkaroon kayo ng magandang pinag-aralan. A good education is a gift that cannot be taken away from you,” aniya.

“Ito ay napakahalaga dahil alam naman natin, pagka maganda ang training, pagka maganda ang napag-aralan, ay marami kayong magagawa upang tulungan ang inyong sarili, ang inyong pamilya, at ang Pilipinas,” dagdag pa.

Bukod sa educational assistance, nagbigay din ng P100,000para sa barangay-identified community development projects.

Kabilang sa procured items ay ang monobloc chairs, laptops, projectors, CCTV cameras, office equipment, generators, flood pumps, steel pipe tents, at iba pang disaster risk reduction at public service materials. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here