Home NATIONWIDE Dasal, pangunguna ng Simbahan mahalaga sa impeachment crisis ni VP Sara –...

Dasal, pangunguna ng Simbahan mahalaga sa impeachment crisis ni VP Sara – solon

44
0

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na “crucial” ang panalangin at gabay ng Simbahang Katolika sa gitna ng umiiral na tensyong pampulitika dulot ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte at sa kaguluhan sa Senado.

Ginawa ni Acidre ang pahayag matapos dumalo kasama ang iba pang mambabatas sa isang ‘Mass for Peace and Accountability’ na idinaos sa EDSA Shrine, kung saan naging pangunahing tagapanguna si Navotas Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr.

“Sa panahon ng kaguluhan at pag-aalinlangan, panalangin ang naging matibay nating sandigan,” ani Acidre, na siya ring pinuno ng House Committee on Higher and Technical Education.

“Habang hinaharap natin ang political crisis na ito, lalo na sa gitna ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte at ng mga kamakailang marahas na pangyayari sa Senado, patuloy tayong kumakapit sa kalooban ng Diyos at sa pag-asa na ang katotohanan, katarungan, at kabutihan ay mananaig,” dagdag pa ng mambabatas.

Bukod kay Acidre, dumalo rin sa misa sina Akbayan Party-list Rep. Percival Cendaña, Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, Manila 3rd District Rep. Joel Chua, Iloilo 3rd District Rep. Lorenz Defensor, at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon.

Sina De Lima, Chua, Defensor, at Ridon ay kabilang sa 11 mambabatas na naunang inihalal upang magsilbi bilang prosecutors sa gaganaping impeachment trial ni Duterte sa Senado.

Ayon pa kay Acidre, mas lalong nakikita ang kahalagahan ng kalinga at tinig ng Simbahan sa gitna ng takot, galit, at pagkakahati-hati ng lipunan upang ipaalala sa publiko ang landas ng kapayapaan, paghilom, at pananagutan. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here