MANILA, Philippines – Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara na naglalayong bigyan ng mas maagang ayuda at cash benefits ang mga Pilipinong may edad 70 at 75-anyos.
Sa ilalim ng House Bill No. 9170 na inihain ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima, aamiyendahan ang Republic Act No. 11982 (na unang nagbago sa Centenarians Act of 2016) upang palawakin ang sakop ng mga benepisyaryo ng cash gifts at itaas din ang halagang tinatanggap ng mga octogenarian (edad 80) at nanogenarian (edad 90).
Ayon kay De Lima, bagamat pinahahalagahan ng kasalukuyang batas ang mga senior citizen na umaabot sa edad 80 hanggang 100, marami sa mga Pilipino ang hindi na umaabot sa ganitong katandaan para mapakinabangan ang nasabing pribilehiyo.
“Our existing laws rightfully seek to honor the Filipino elderly who reach the milestone ages of 80, 85, 90, 95, and 100 by providing them with cash benefits. However, most of our countrymen do not live long enough to receive these benefits. Even when they do, they are often no longer able to fully enjoy them,” paliwanag ni De Lima.
“This measure seeks not only to honor our senior citizens by providing cash incentives for reaching milestone years, but also to provide them with the financial support they increasingly need as their capacity for work decreases and health complications increase with age,” dagdag pa ng mambabatas.
Sa ilalim ng bagong panukala, makatatanggap ang lahat ng Pilipino, naninirahan man sa Pilipinas o sa ibang bansa, ng mga sumusunod na halaga sa pagsapit ng partikular na milestone years:
Sa edad 70 anyos ay P25,000.00 cash benefit, 80 anyos ay P50,000.00, sa edad 90 ay 75,000.
Sa kasalukuyang umiiral na batas (RA 11982), ang mga nakatatanda ay nakatatanggap lamang ng tig-₱10,000 sa pagsapit ng edad 80, 85, 90, at 95, habang ₱100,000 naman para sa mga umaabot ng edad 100.
Ang panukala ni de Lima ay base sa ulat ng Philippine Institute of Development Studies (PIDS) noong Pebrero 2021 na nagpapakitang nasa 71 taon lamang ang life expectancy ng mga Pilipino.
Bukod pa dito ang World Bank study noong 2024 na nagpapakitang nasa 70 taon ang average na haba ng buhay sa Pilipinas.
“Our elders deserve better service, protection and support from our government and society through policies that are truly responsive to their needs and concerns. Aanhin pa nila ang mga benepisyo kung hindi naman na nila ito mapapakinabangan?” ani De Lima.
“Our senior citizens are already at the stage of their life where care and comfort matter most. Huwag na nating ipagdamot o ipagkait ang mga benepisyong kaya nang ipagkaloob ng Estado sa kanila bilang pagpapahalaga at pasasalamat sa kanilang kontribusyon sa ating lipunan.” Giit pa nito. Gail Mendoza