MANILA, Philippines -HINDI pa napag-uusapan sa Malakanyang ang posibilidad na palitan sa puwesto si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na wala siyang maikokomento sa panawagan na palitan na ni Pangulong Marcos si Remulla dahil sa sunod-sunod na di umano’y kapalpakan nito partikular na ang maling impormasyon ukol sa golden visa n i Zaldy Co, Portuguese passport ni Zaldy Co, timeline para sa pag-aresto sa dating mambabatas, at maging ang sinasabing ‘soon release’ ng Interpol.
“Sa ngayon, ang huling pagkakita ko po na sila ay nagkausap, sa aking huling … kumbaga, ako’y witness, iyong huling pagpupulong bago tayo nagkaroon ng briefing noong Huwebes. Wala po sa akin ha, personal po ay wala naman po akong nakitaan na natanggal ang tiwala ng Pangulo kay Secretary Jonvic Remulla sa ngayon,” aniya pa rin.
Samantala, sinabi pa rin ni Castro na wala pang ibinibigay sa kanyang impormasyon kung si dating Senator Antonio Trillanes o si dating Interior Secretary Benhur Abalos ang papalit sa babakantehing posisyon ni Jonvic Remulla sa DILG.
“Wala pa pong ganoong ibinibigay sa ating mga impormasyon,” aniya pa rin. KRIS JOSE