MANILA, Philippines – Magsasagawa ng imbestigasyon ang House of Representatives sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kaugnay ng malawakang power interruption sa Luzon at Visayas matapos maghain ng resolusyon ang mga mambabatas para sa congressional inquiry sa insidente.
Inihain nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez ang House Resolution No. 1024 na nag-uutos ng imbestigasyon, in aid of legislation, sa sunud-sunod na pag-tripping ng malalaking transmission lines ng NGCP noong Mayo 13.
Kabilang sa naapektuhan ang 500-kilovolt Tayabas-Ilijan at Dasmariñas-Ilijan lines na nagdulot ng biglaang pagkawala ng higit 2,462 megawatts ng kuryente. Dahil dito, nagkaroon ng red at yellow alerts sa Luzon at Visayas grids at napilitang magpatupad ang NGCP ng Manual Load Dropping na nakaapekto sa humigit-kumulang 3.9 milyong customers sa Metro Manila, Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
“Hindi katanggap-tanggap na milyon-milyong Pilipino ang nawalan ng kuryente dahil sa pagkabigo ng ating transmission system. Ang kuryente ay hindi luho —ito ay pangunahing pangangailangan na direktang nakaaapekto sa kabuhayan, negosyo, edukasyon, at araw-araw na buhay ng mamamayan,” pahayag ni Dy.
Ayon kay Dy, ipinakita ng insidente ang seryosong kahinaan sa power transmission backbone ng bansa at nagbukas ng tanong kung may kapabayaan sa maintenance, monitoring, at pagsunod sa grid standards.
Layunin din ng resolusyon na alamin kung force majeure o kapabayaan ng NGCP sa maintenance at investment sa national transmission system ang sanhi ng insidente.
Binanggit din ng mga mambabatas ang posibleng kahinaan sa maintenance, protection systems, at “N-1” contingency compliance, at iginiit na nakababahala ang sunud-sunod na pag-tripping ng high-voltage lines.
Tinutukoy din sa panukala ang posibleng kabiguan ng NGCP na agad na mag-ulat sa Department of Energy at Energy Regulatory Commission sa loob ng itinakdang 60 minuto, gayundin ang hindi umano pagsumite ng kumpletong incident report na naglalahad ng ugat ng outage.
Tutuon ang imbestigasyon sa teknikal na sanhi ng aberya, posibleng lapses sa reporting, estado ng Transmission Development Plan, at kung may paglabag sa legislative franchise ng NGCP.
Ayon kay Dy, layunin ng imbestigasyon na hindi lamang papanagutin ang may pananagutan kundi patatagin din ang energy security at tiyakin ang maaasahang power transmission system ng bansa. RNT