MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Energy (DOE) nitong Lunes na bahagyang bumaba ang fuel inventory ng Pilipinas mula sa nakaraang linggo, ngunit nananatili itong stable at hindi nakababahala, sa kabila ng patuloy na pagbabago sa pandaigdigang merkado ng langis.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, sapat ang kabuuang fuel stock ng bansa hanggang 45.33 araw batay sa kasalukuyang konsumo noong Mayo 15.
Tinatayang nasa 78,080.13 liters ang average na pang-araw-araw na demand ng bansa sa fuel.
“The average this week is lower than the previous week, but this is not an alarming state because we are assured of supply from other countries,” pahayag ni Garin.
Dagdag niya, bagama’t sensitibo pa rin ang global oil prices dahil sa pabago-bagong demand forecasts, geopolitical tensions, at production adjustments ng malalaking exporters, nananatiling matatag ang international supply chains na pinagmumulan ng suplay ng Pilipinas.
Sa kabila ng bahagyang pagbaba ng imbentaryo, tiniyak ni Garin na mahigpit na mino-monitor ng DOE ang supply at handa itong kumilos kung bababa sa tinatawag na comfortable levels ang stock.
“The DOE remains vigilant about our supply and is closely monitoring the activities of our oil companies,” aniya.
Batay sa datos ng DOE, ang kasalukuyang supply coverage ay 46.85 araw para sa gasolina, 45 araw para sa diesel, 50.14 araw para sa fuel oil, 152.12 araw para sa kerosene, 30.21 araw para sa liquefied petroleum gas, at 59.74 araw para sa jet fuel.
Paulit-ulit nang tiniyak ng pamahalaan na sapat ang fuel reserves ng bansa sa kabila ng pagbabago-bago ng presyo ng langis at mga pangamba sa supply. Dave Baluyot