Home METRO Lolong tsuper utas sa pamangking retiradong parak sa barilan sa Batangas

Lolong tsuper utas sa pamangking retiradong parak sa barilan sa Batangas

95
0

Batangas – Isang 65-anyos na jeepney driver ang nasawi habang sugatan ang kanyang pamangkin na isang retiradong pulis matapos mauwi sa barilan ang kanilang alitan sa Padre Garcia, Batangas, ayon sa pulisya nitong Lunes.

Kinilala ng Padre Garcia Police ang nasawi bilang si “Ruben” at ang sugatang retiradong pulis bilang si “Emil.” Magkamag-anak ang dalawa sa pamamagitan ng asawa ng jeepney driver na tiyahin ni Emil.

Batay sa CCTV footage noong Mayo 15, makikitang nasa loob ng kanilang compound si Emil nang lapitan siya ni Ruben at barilin. Gumanti naman ng putok si Emil matapos bumunot ng kanyang baril.

“Makikita po natin na una pong bumunot ng baril yung suspek, meron pong sufficient provocation po on the part of the suspect po natin. And yun po, lumaban na rin po yung ating victim to defend himself,” pahayag ni Police Major Frank Davis Tuddao.

Dead on the spot si Ruben habang nananatiling hindi pa stable ang lagay ni Emil.

Nakarekober ang mga awtoridad ng dalawang baril sa pinangyarihan—isang .45 caliber na ginamit umano ni Ruben at isang .40 caliber na gamit ni Emil. Ayon sa pulisya, anim na putok ang pinakawalan ni Ruben habang 12 naman si Emil.

Lumalabas sa imbestigasyon na lisensyado ang baril ng retiradong pulis habang biniberipika pa ang isinasagawa sa armas ng jeepney driver.

Ayon sa paunang imbestigasyon, matagal nang may alitan ang dalawa mula pa noong 2018 at kapwa umano sila nakainom nang mangyari ang insidente.

Sa kasalukuyan, wala pang pormal na reklamo dahil nakatuon pa ang mga pamilya sa lamay at gamutan ng sugatan.

Sinabi ng pulisya na bagama’t nakikita sa unang pagtasa ang self-defense sa panig ng retiradong pulis, nasa pamilya pa rin ng nasawi ang desisyon kung magsasampa ng kaso. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here