MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 141,724 yunit ng mga jeepney at UV Express na makatatanggap ng PHP10 kada litro na fuel discount sa ilalim ng government Fuel Subsidy Program.
Ayon kay LTFRB Chair Vigor Mendoza II sa isang pahayag nitong Lunes, saklaw ng programa ang buong bansa at kasalukuyan na itong ipinatutupad, kung saan 12,688 benepisyaryo na ang nakapag-transact nang maayos.
“This is proof that the government is still really taking care of the PUV sector despite the improvement of the prices of petroleum products,” pahayag ni Mendoza.
Mula sa unang implementasyon sa Metro Manila na may 50 gas stations lamang, pinalawak na ang programa sa 4,299 stations sa buong bansa sa tulong ng Department of Energy.
Umabot na sa higit PHP13.3 milyon ang nagastos ng pamahalaan mula nang simulan ang programa.
Ayon kay Mendoza, makikinabang dito hindi lamang ang mga driver at operator kundi pati ang mga commuter dahil nakatutulong ito sa pagpapatatag ng pamasahe.
Tiniyak din niya na mahigpit na mino-monitor ng LTFRB ang implementasyon at agad na tinutugunan ang anumang error o problema sa sistema.
Sa ilalim ng programa, ang mga kwalipikadong public utility vehicles na may valid franchise ay maaaring makakuha ng hanggang 150 litro ng diskwentong gasolina kada linggo. Ang LTFRB din ang humahawak ng pondo bago ito ilipat sa Land Bank of the Philippines para sa processing at reimbursement sa mga kalahok na gas stations. Santi Celario