Matinding kinalampag ni Senate President Alan Peter Cayetano ang lahat ng opisyal at stakeholders sa energy sector na tugunan ang power crisis at huwag ituring na simpleng numero ang problema sa kuryente, kundi direktang tumatama sa buhay ng pamilyang Pilipino.
Sa pagdinig ng Committee on Ways and Means na pinamunuan ni Senator Pia Cayetano nitong May 18, iginiit ng Senate President na dapat magsilbing wake-up call ang kasalukuyang sitwasyon upang kumilos nang mas mabilis ang pamahalaan at pribadong sektor, at maghanap ng mga solusyong hindi pa dating nasusubukan.
“Hindi totoo na may delays ang ating administration. Given the present crisis, it’s actually an opportunity because [there are] things that we wouldn’t have thought of… Y’ung mga ito hindi natin maiisip kung walang krisis,” wika niya.
Matatandaang inihain ni Cayetano ang Senate Resolution No. 343 nitong March 11 na nananawagan sa Executive Branch na bumuo ng National Contingency Framework para matugunan ang mga krisis, kabilang na ang sa enerhiya.
Ayon sa kanya, ang problema sa kuryente ay repleksyon ng mas malalim na structural issues sa bansa—katulad ng nakikita sa edukasyon at agrikultura—kung saan nananatili ang mga kakulangan sa kabila ng matagal nang reporma at paggastos ng gobyerno.
Binigyang-diin ni Cayetano na hindi na sapat ang tradisyunal na pag-iisip sa pagharap sa ganitong kalaking problema, at kailangan ang mas agarang aksyon at mas malikhaing solusyon mula sa gobyerno at industriya.
“I just like to encourage the room to really — I know gasgas na ’yung ‘Think out of the box.’ Pero kapag may crisis, pati ’yung box mawawala ’pag hindi tayo kumilos ng doble, triple,” wika niya.
Giit pa ng Senate President, dapat laging isaalang-alang sa mga talakayan ang tunay na epekto ng kakulangan sa kuryente sa mga tao lalo na sa mga mahihirap at may sakit na umaasa sa tuloy-tuloy na suplay ng kuryente.
Ibinahagi niya ang isang insidente kung saan umano’y nasawi ang isang pasyente matapos hindi magamit ang nebulizer dahil sa brownout, na nagpapatunay sa totoong epekto ng power interruptions.
“I really hope that it’s not the statistics… Numbers remain to be a statistic until you have a human face. Kaya noong may hindi nakapag-nebulize dahil walang kuryente at namatay, I hope we put a human face to our problem sa energy,” wika ni Cayetano.
“[We’re in] crisis, so let’s find a way to get something done,” dagdag niya.