MANILA, Philippines – Humiling ang ACT Teachers party-list kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla na imbestigahan ang tinatayang ₱4.44 bilyong halaga ng mga flood control project sa Davao City na umano’y may mga iregularidad.
Sa liham ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio noong Mayo 19, sinabi nilang sinuri nila ang 121 flood control projects sa kahabaan ng Davao at Matina Rivers mula 2019 hanggang 2022, at natukoy ang hindi bababa sa 80 kontrata na may posibleng iregularidad.
Ayon kay Tinio, “Lahat ng sangkot, dapat managot!,” at iginiit niyang may mga taon na ang lumipas mula nang magsimula ang imbestigasyon sa flood control corruption pero wala pa ring mataas na opisyal na napapanagot.
Kabilang sa mga iregularidad na kanilang tinukoy ay overlapping contracts, double funding, pagbabago ng lokasyon ng proyekto, mga proyektong walang specifications, kulang sa GAA authorization, hindi natapos na proyekto, at umano’y congressional insertions.
May mga tinukoy din umanong “ghost projects” o dobleng bayad, at mga proyektong itinayo sa ibang lokasyon kaysa sa nakasaad sa budget. Ayon pa sa grupo, 49 sa 80 red-flagged contracts ay umano’y congressional insertions sa 1st Legislative District ng Davao City.
Hiniling din nila sa Ombudsman na unahin ang aktuwal na inspeksyon sa mga proyektong idineklarang “100% complete” ngunit nananatiling “on-going.”
Binanggit din sa liham ang Genesis88 Construction Inc. bilang pangunahing contractor na nakakuha ng 10 proyekto na may kabuuang halaga na ₱713 milyon. RNT/MND (larawan ni Danny Querubin)