MANILA, Philippines – Inihain at isinilbi ng Senate impeachment court nitong Miyerkules ang writ of summons laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng impeachment complaint na isinampa laban sa kanya.
Pinangunahan ni Senate Sergeant-at-Arms Officer-in-Charge Manuel Parlade ang pagsisilbi ng summons. Sa pahayag, kinumpirma ng Office of the Vice President (OVP) ang pagtanggap nito bandang alas-10:40 ng umaga.
“The Office of the Vice President confirms receipt of the Summons issued by the Impeachment Court at approximately 10:40 a.m. today, 20 May 2026,” ayon sa OVP.
Sa ilalim ng Senate Resolution 39 o Rules of Procedure on Impeachment Trial, binibigyan si Duterte ng 10 araw na hindi maaaring palawigin mula sa pagtanggap upang magsumite ng kanyang pleadings, at inaatasang humarap sa impeachment court sa oras ng pagpapatawag.
Ang prosecution panel naman ay may limang araw upang maghain ng tugon matapos matanggap ang sagot ng kampo ni Duterte.
Nauna nang nag-convene ang Senado bilang impeachment court nitong Lunes para sa paglilitis laban sa Bise Presidente na nahaharap sa mga akusasyong culpable violation of the 1987 Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, umano’y maling paggamit ng confidential funds, pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kanyang pamilya, at hindi maipaliwanag na yaman.
Si Duterte ay dalawang beses nang na-impeach ng House of Representatives noong Mayo 11, sa botong 257–25.
Mariin namang itinanggi ng Bise Presidente ang lahat ng alegasyon laban sa kanya. RNT