MANILA, Philippines – Huling testigo na lamang ang ipepresenta ng House prosecution panel at tapos na ang pagtalakay nito sa Article II o unexplained wealth, ayon kay House Prosecutor Spokesperson Atty Benjamin Tolosa.
Ayon kay Tolosa ang posibleng huling testigo na kanilang ihaharap ay ang financial analyst habang pinag aaralan pa rin kung magpapatawag ng testigo mula sa National Bureau of Investigation (NBI).
“That has been indicated in the manifestation that we filed, but it’s continuing on deliberation and then we’ll make our decision on it after we present the financial analyst,” ani Tolosa.
Sa huling bahagi ng Article II, nagprisinta ang prosekusyon ng mga rekord mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), Bureau of Internal Revenue (BIR), mga bangko at iba pang financial institution.
Susunod ang financial analyst na inaasahang magdudugtong sa mga dokumentong ito.
Ayon kay Tolosa, iaanunsyo nila ang desisyon sa oras na matapos na ang pagtestigo ng financial analyst.
Inaasahang ihahambing ng financial analyst ang mga sworn asset declaration ni Duterte sa mga tax record, bank balance, ulat ng AMLC, insurance holding at mga rekord ng mga kompanyang iniuugnay sa kanya at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Nang direktang tanungin kung nakahanda na bang mag-rest o tapusin ang buong kaso ang prosekusyon, kinumpirma ni Tolosa ang direksiyon pero hindi pa niya ginawa ang pormal na anunsiyo. Gail Mendoza