SA panahon ngayon na patuloy ang paglago ng industriya at iba’t ibang uri ng hanapbuhay, lalong tumitindi ang pangangailangan para sa mga Safety and Health Practitioner at Safety and Health Consultant na nagsisilbing katuwang ng labor department at ng mga kompanya sa pagpapatupad ng kaligtasan at kalusugan sa lugar ng trabaho.
Mahalaga ang kanilang papel sa implementasyon ng Republic Act No. 11058 o ang “An Act Strengthening Compliance With Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations Thereof” na naglalayong tiyakin ang kaligtasan at makataong kondisyon sa paggawa.
Sa ilalim nito, tungkulin ng mga employer na magpatupad ng mga programa para sa pag-iwas sa aksidente, sakit sa trabaho, at iba pang occupational hazards.
Kasama rin sa kanilang responsibilidad ang paninigurong naipatutupad ang Department of Labor and Employment order 252-25, na higit pang nagpapalakas sa mga polisiya at mekanismo para sa occupational safety and health compliance, risk management, at pagpapalawak ng preventive measures sa mga lugar ng trabaho.
Ang mga practitioner at consultant ang lead coach sa pagsasagawa ng hazard assessment, safety audit, risk evaluation, training programs, incident investigation, at pagbuo ng OSH policies.
Hindi lamang teknikal na kaalaman ang dala ng mga propesyonal na ito. Sila rin ang nagsisilbing tagapagtaguyod ng safety culture upang maging bahagi ng pang-araw-araw na operasyon ang kaligtasan.
Malaki rin ang benepisyo ng pagiging accredited Safety and Health Practioner at Consultant ng Occupational Safety and Health Center (OSHC). Maliban sa pagiging OSH advocates, ang accreditation ay nagbibigay ng propesyonal na pagkilala, mas mataas na kredibilidad, oportunidad sa consultancy at training engagements, at mas malawak na partisipasyon sa OSH programs ng pamahalaan at pribadong sektor. Nagiging daan din ito upang mapanatili ang kalidad at pamantayan ng serbisyo sa larangan ng kaligtasan at kalusugan.
Ang pagganap ng mga accredited OSH Practitioner at Consultant sa pribado o publikong sector, dear readers, ay hindi libre pero hindi dapat isawalang bahala ng organisasyong naglalayong maabot ang 100 percent safe working environment. Ang kaligtasan ay hindi gastos—ito ay pamumuhunan para sa buhay at kinabukasan ng manggagawa.






