Home METRO ER ng Ospital ng Maynila, pansamantalang isasara upang isailalim sa agarang pagkukumpuni

ER ng Ospital ng Maynila, pansamantalang isasara upang isailalim sa agarang pagkukumpuni

67
0

MANILA, Philippines – Pansamantalang isasara ang emergency room (ER) ng Ospital ng Maynila Medical Center mula Mayo 24 hanggang Hunyo 1, 2026 upang bigyang-daan ang agarang pagkukumpuni at pagsasaayos ng mga pasilidad nito.

Inanunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pansamantalang pagsasara sa kanyang “Talk to the People” broadcast nitong Huwebes, Mayo 21.

Ayon sa alkalde, ilang linggo umanong pinag-aralan ng pamahalaang lungsod kung paano maisasagawa ang renovation nang hindi naaantala ang operasyon ng ER, ngunit napag-alamang hindi ito ligtas para sa lahat.

“Napagpasyahan na ng inyong lingkod to bite the bullet. Isara natin saglit,” ani Domagoso.

“Hindi po ligtas para sa lahat. Sa lahat ng nasa loob: sa pasyente, doktor, at manggagawa,” dagdag niya. “Ginawa na namin yung lahat ng diskarte, lahat ng abilidad, lahat ng pamamaraan na hindi madistorbo yung emergency room, pero hindi po talaga pwede.”

Ayon naman kay Manila City Health Officer Dr. Grace Padilla, ililipat muna sa anim na iba pang pampublikong ospital na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan ang mga pasyenteng mangangailangan ng emergency care habang isinasagawa ang renovation.

Naglatag na rin umano ang lungsod ng mga ambulansya at nagtayo ng tent area sa labas ng ospital upang tumulong sa pag-accommodate ng mga darating na pasyente sa loob ng isang linggong pagsasara.

Tiniyak naman ni Domagoso na tuloy-tuloy o 24/7 ang gagawing pagkukumpuni upang muling mabuksan ang emergency room sa Hunyo 1 gaya ng ipinangako ng lungsod.

“Isang linggo lang ang kompromiso ko, at tiyak dadaloy din ang ginhawa, aaliwalas din yung Emergency Room ng Ospital ng Maynila,” saad ng alkalde. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here