MANILA, Philippines – Nagsampa nitong Huwebes si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng kasong graft at malversation laban sa anim na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Davao Occidental at walong contractor kaugnay ng umano’y P94-milyong ghost farm-to-market road projects.
Inihain ang mga reklamo sa Office of the Ombudsman. Ito ang unang pagkakataon na nagsampa ng kaso ang Department of Agriculture kaugnay ng umano’y maanomalyang farm-to-market road projects.
Ayon kay Tiu Laurel, personal niyang binisita noong nakaraang taon ang mga sinasabing proyekto ngunit wala umano siyang nakitang indikasyon ng konstruksyon kahit pondohan pa ito noong 2021.
“Wala talaga. Zero. Wala kang makita,” ayon kay Tiu Laurel sa mga mamamahayag matapos ihain ang reklamo.
Dagdag pa niya: “Merong daanan, dirt road, dinadaanan ng tao, tricycle. Pero talagang walang semento. Walang bakal. Wala lahat.”
Ayon sa DA chief, umiiral lamang umano ang simpleng dirt road sa lugar at walang anumang palatandaan ng farm-to-market road project na pinondohan ng gobyerno. RNT/MND (larawan ni Danny Querubin)





