Home NATIONWIDE PNP: CCTV footage ng Senate incident, ‘di pinakialaman

PNP: CCTV footage ng Senate incident, ‘di pinakialaman

57
0

MANILA, Philippines – Sa patuloy na imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13, sinabi ng mga awtoridad na sinisikap nilang maunawaan kung bakit isang retiradong heneral ang umano’y nanguna sa armed Senate security at nagpaputok ng warning shots laban sa isang lehitimong law enforcer.

Ayon kay CIDG Director Maj. Gen. Robert Alexander Morico II, maaaring nabigyan ng maling impormasyon si Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca kaya nagkaroon ng tinawag na “lock and load” na kilos ng retiradong opisyal noong insidente.

Pinuna rin ng PNP ang akusasyon ni Aplasca na pineke o pinutol ang CCTV footage upang palabasin na walang pag-atake sa Senado.

Bilang tugon, sinabi ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na naninindigan sila sa integridad ng imbestigasyon.

“The integrity of our investigative process is paramount and the footage we presented is authentic, time-stamped, and direct from the source, leaving no room for claims of manipulation,” ani Nartatez.

Ayon sa PNP, mula sa Senado mismo ang lahat ng CCTV footage na ginamit bilang ebidensya at bahagi ito ng opisyal na imbestigasyon.

Inirekomenda rin ng CIDG ang pagsasampa ng kaso laban kay Aplasca at dalawang tauhan nito dahil sa paglabag sa Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 11917 o Private Security Services Act.

Ayon kay Morico, may anim na hakbang na dapat sundin bago gumamit ng lethal force, at hindi umano kasama rito ang pagpapaputok ng warning shot.

“It is very clear in our investigation that there was no attack in the Senate, there was no intent,” aniya, at idinagdag na kung may tunay na pag-atake, hindi sana iiwan ng mga tauhan ang lugar ng insidente.

Si Aplasca, na miyembro ng PMA Class 1987, ay nasa sentro ng imbestigasyon dahil sa umano’y hindi pangkaraniwang kilos na napansin din ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Bukas naman ang PNP sa anumang independent technical review kung igigiit pa ni Aplasca na pinakialaman ang CCTV footage.

“We assure the public that the PNP is committed to a fair, impartial, and transparent investigation,” ayon kay Nartatez. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here