MANILA, Philippines – Humarap sa Pasig Regional Trial Court nitong Huwebes si Peanut Gallery Media Network founder Franco Mabanta at ang kanyang abogado para sa arraignment sa kasong robbery-extortion at cybercrime na isinampa ng kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Kasama rin sa kaso ang apat na iba pang indibidwal. Gayunman, hindi pa isinapubliko kung nag-plead guilty o not guilty ang mga akusado sa mga paratang.
Naaresto ang mga opisyal ng PGMN noong Mayo 5 sa isang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos umanong manghingi ng P300 milyon kapalit ng hindi paglalabas ng isang expose laban kay Romualdez.
Pinalaya ang mga akusado noong Mayo 9 matapos magpiyansa na tig-P120,000 bawat isa.
Sa pagdinig, sinabi ng kampo ni Romualdez na kumpiyansa sila sa lakas ng kanilang ebidensya.
“Sa ngayon, we cannot speak of the details of the case… But what we can say right now is that we are confident in the strength of our case and our evidence,” ayon kay Atty. Elaine Atienza.
Itinanggi naman ng kampo ni Mabanta ang mga paratang at iginiit na ito ay may motibong pulitikal at pag-atake umano sa press freedom.
“Martin did this to me and to us — he chose to suppress the free media and our constitutional right to free speech…,” ayon kay Mabanta sa social media post.
Pero iginiit ng kampo ni Romualdez na ang kaso ay hindi usapin ng press freedom kundi pagpapatupad ng batas, at hinimok ang lahat na dumaan sa tamang proseso sa korte. RNT/MND