Home METRO 23 mangingisda, nasagip ng PCG sa Zambales

23 mangingisda, nasagip ng PCG sa Zambales

48
0

ZAMBALES, Philippines – Nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 23 mangingisda matapos masiraan ng makina ang kanilang bangka sa karagatang sakop ng Zambales, ayon sa ulat nitong Huwebes.

Ayon sa PCG, ang bangkang FBCA Wilyn na pinamumunuan ng 36-anyos na kapitan na si Erwin Morate ay umalis mula Barangay Wawandue noong Martes ng umaga para mangisda.

Ngunit habang nasa layong humigit-kumulang 85.96 nautical miles mula Sampaloc Point noong Miyerkules, biglang pumalya ang makina ng bangka dahil sa paghalo ng tubig sa langis ng makina, dahilan para ma-stranded sila sa dagat.

Agad rumesponde ang PCG patrol vessel na BRP Cape San Agustin (MRRV-4408) matapos makatanggap ng distress call at koordinasyon sa mga mangingisda.

Pagdating sa lokasyon, nagpadala ang PCG ng rigid hull inflatable boat upang magsagawa ng paunang medikal na pagsusuri sa mga tripulante.

Lahat ng 23 mangingisda, na pawang residente ng Barangay Wawandue, ay nasa maayos na kalagayan at hindi kinailangang dalhin sa ospital.

Dahil hindi naayos ang sira ng makina sa dagat, hinala ng PCG ang bangka gamit ang towing line.

Matapos ang towing operations, ligtas na nakarating sa pantalan sa Subic, Zambales ang bangka at mga mangingisda noong Huwebes ng hapon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here