Home NATIONWIDE Pagtatanggol ng Philippine Navy sa WPS, sinuportahan ni Pangilinan

Pagtatanggol ng Philippine Navy sa WPS, sinuportahan ni Pangilinan

56
0

MANILA, Philippines – Muling ipinahayag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang matibay na suporta nito para sa Philippine Navy (PN) na patuloy na nangangalaga ng ating karagatan at Exclusive Economic Zone (EEZ) sa West Philippine Sea (WPS) laban sa panghihimasok ng China sa teritoryo ng bansa.

Sa pahayag, lubos na nagpasalamat si Pangilinan sa PN sa ginanap na 128th Founding Anniversary kamakailan sa patuloy na pagsasakripisyo nito upang mapangalagaan at maipagtanggol ang ating soberenya sa lugar.

Kamakailan, personal na natunghayan ni Pangilinan ang kalagayan ng ating puwersang pandagat at iba pang unipormadong tauhan na nakatalaga sa Kalayaan Island Group (KIG) sa kanilang sakripisyo at hindi matatawarang pagmamahal sa ating pambansang soberenya sa gitna ng hamon sa WPS.

“Nais ko rin kayong ma-reassure na buo ang suporta ng Senado sa inyong isinasagawang pagpoprotekta sa ating coastal waters at ang ating exclusive economic zone,” ayon kay Pangilinan.

“Maraming maraming salamat sa inyong serbisyo, sa inyong paninindigan, sa inyong pagpoprotekta sa ating soberanya. At makakaasa kayo sa Senado, nariyan ang buong suporta po ng inyong lingkod,” dagdag niya.

Kinilala din ng senador ang katapangan at dedikasyon ng uniformed services ng bansa na tumutukoy sa kanilang pagkilos na nananatiling mahalaga sa pagtatanggol ng ating teritoryo sa karagatan.

“Salamat sa inyong sakripisyo, salamat sa inyong serbisyo. Salamat sa inyong katapangan at kabayanihan. Mabuhay ang Armed Forces of the Philippines,” ani Pangilinan.

Naunang iginiit ni Pangilinan ang kahalagahan ng pagpapalakas ng pambansang kamalayan at pagkakaisa sa pagtugon sa kinahaharap na hamon sa ating karagatan, kaya’t nananawgan ng “whole-of-a-nation” approach na kinasasangkutan ng mga institusiyon ng gobyerno, civil society, pribadong sektor, akademya at media.

Binanggit din ng senador ang pangangailangan ng suporta sa modernisasyon ng   Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard upang lumakas ang kapasidad ng bansa sa pagpapatrulya at pagtatanggol ng ating karagatan.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here