BULACAN, Philippines – Arestado ang magkasintahan matapos umanong mahulihan ng P748,000.00 halaga ng iligak na droga at baril sa buy-bust operation ng pulisya sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM) nitong Mayo 21.
Sa ulat ni PLTCOL Reyson Bagain, hepe ng SJDM police station, kinilala ang mga suspek na sina alyas “Legwak”, 42 at alyas “JD”, 35, isang High Value Individual (HVI) kapwa residente ng nasabing lungsod.
Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon ng City Drug Enforcement Unit ng istasyon, bandang 11:10 ng umaga sa Brgy. Bagong Buhay 1.
Nabatid na nabilhan ng isang plastic sachet ang mga suspek ng poseur buyer kapalit ng marked money kaya agad silang inaresto ng mga pulis na nasa lugar.
Sa isinagawang protective search, nakumpiska mula sa mga suspek ang apat na plastic sachets ng hinihinalang shabu, marked money, kalibre .38 revolver, limang bala nito mula kay alyas “Legwak”.
Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya.
Samantala, pinuri ni PCOL Jay Baybayan, Officer-in-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, ang matagumpay na operasyon ng nasabing istasyon laban sa ilegal na droga at armas. (Dick Mirasol III)