Home METRO “Bawat bayan makikinabang” inilunsad ni PBBM sa Obando, Bulacan

“Bawat bayan makikinabang” inilunsad ni PBBM sa Obando, Bulacan

45
0

BULACAN, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Huwebes ang paglulunsad ng programang “Bawat Bayan Makikinabang” sa Obando, Bulacan.

Layunin nitong mapabuti ang kalagayan ng libo-libong pamilya mula sa 11 barangay sa pamamagitan ng pamamahagi ng bigas at mga programang pang-edukasyon.

“Nandito naman po ako ngayon upang tingnan ‘yung aming programa. Ito ‘yung sa Bawat Bayan Makikinabang,” pahayag ng Pangulo, bilang pagbibigay-diin sa layunin ng administrasyon na direktang marating ng tulong ng pamahalaan ang mga komunidad na nangangailangan.May dalawang pangunahing bahagi ang programa: ang Local Government Support Fund (LGSF) at ang Socio-CivicProjects Fund.

Ipinaliwanag ng Pangulo na ang LGSF ay pinahuhusay ngayon upang mas mapalakas ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa paghahatid ng tulong.

“Ngunit sa nakaraang ilang taon, hindi po nagagamit para sa local government itong pondo na ito. Kaya noong nakaupo na ako, sabi ko ito na ‘yung pagkakataon natin. Gamitin na natin sa tama ‘yung LGSF,” ayon sa Pangulo.

Bilang dating gobernador ng Ilocos Norte, binigyang-diin pa ng Pangulo ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan.

“At kako ay pinalalapit ko naman talaga ang national government at saka ‘yung local government.  Alam niyo po galing po ako sa local government. Nag-gobernador ako sa Ilocos Norte ng siyam na taon. Kaya nakikita ko kung ano ‘yung mga puwedeng gawin ng local – ano ang kakayahan ng local government, ano ‘yung kailangan tulungan,” dagdag ng Pangulo.Sa ilalim ng programa, mahigit 2,000 pamilya sa Obando ang nakatanggap ng tig-10 kilo ng bigas mula sa LGSF.

“Kaya sabi ko, bigyan natin ng rice subsidy lahat ng nangangailangan sa bawat bayan. At kaya po kami nandito para sinimulan natin ang pagbigay ng itong tigsa-10 kilo na sako ng bigas. Iyan po ang nanggagaling po sa LGSF, binaba po natin,” pahayag ng Pangulo.

Pagtiyak ng Pangulo hindi ito isang beses lamang na tulong:

“Huwag po kayong mag-alala dahil hindi po ito minsanan lamang. Magbibigay kami ng 10 kilong bigas kada dalawang buwan, anim na beses sa isang taon, paulit-ulit po.”

Bukod dito, binigyan din ng P200,000 na tulong ang bawat barangay. Mula rito, P100,000 ang ilalaan para sa educational assistance na makikinabang ang 55 na iskolar mula sa 11 barangay ng Obando.

“Mayroon naman, kadugtong doon, may kadugtong na programa para naman sa mga barangay… Bawat barangay ay binigyan natin ng P200,000,” dagdag ng Pangulo. Nabigyan din ng tulong ang mga pamilya mula sa mga baybaying barangay ng Salambao at Binuangan upang matiyak na kasama ang mga komunidad sa baybayin sa mga programang pangkaunlaran ng pamahalaan.

Ayon kay Rejean A. Ruiz, social worker ng Obando, Bulacan, layunin ng inisyatibang ito na masigurong direktang natatanggap ng mga pamilya at estudyante ang tulong ng gobyerno, lalo na sa mga liblib at mahihirap na komunidad.

Ang programang “Bawat Bayan Makikinabang” ay sumasalamin sa layunin ng administrasyong Marcos na maghatid ng direktang tulong at inklusibong pag-unlad sa mga komunidad sa buong bansa, lalo na sa mga pamilyang nangangailangan. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here