MANILA, Philippines – Pinalalakas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga hakbang para protektahan ang Philippine Rise sa pamamagitan ng pagtatayo ng Marine Scientific Research Station (MSRS) sa Casiguran, Aurora.
Ayon kay DENR Aurora Provincial Environment and Natural Resources Officer Alfredo Collado, umabot na sa 25% ang konstruksyon ng pasilidad sa Barangay Dibacong hanggang kalagitnaan ng Mayo 2026.
Kapag natapos, magsisilbi itong sentro para sa mga siyentipikong pag-aaral, marine monitoring, at conservation efforts para sa Philippine Rise Marine Resource Reserve (PRMRR) at mga kalapit na baybayin.
Ayon kay DENR Regional Executive Director Ralph Pablo, “The Philippine Rise is one of the country’s most important marine frontiers. Through this research station, we are strengthening our ability to understand, monitor, and protect its rich marine resources using science-based information and coordinated field action,”
Ang MSRS ay gagamitin para sa pag-aaral ng marine biodiversity, spawning grounds, deep-sea corals, climate monitoring, at iba pang pananaliksik na mahalaga sa pangangalaga ng yamang dagat.
Matatagpuan sa silangan ng Luzon ang Philippine Rise, na kilala sa mataas nitong marine biodiversity at mahalagang ambag sa fisheries productivity, food security, at climate resilience.
Ayon sa DENR, makakatulong din ang pasilidad sa mas maayos na monitoring, enforcement, at koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno, siyentipiko, at lokal na komunidad.
Ang proyekto ay iginawad sa Grand Apex Construction Inc. noong Disyembre 2025 at patuloy na mino-monitor ng DENR Region 3 upang matiyak ang pagsunod sa environmental standards dahil malapit ito sa sensitibong coastal ecosystems. RNT/MND