Home NATIONWIDE 56 lugar makararanas ng ‘malaimpyernong’ heat index — PAGASA

56 lugar makararanas ng ‘malaimpyernong’ heat index — PAGASA

108
0

MANILA, Philippines – Aabot sa 56 na lugar sa bansa ang inaasahang makararanas ng “danger” level heat index sa Biyernes, Mayo 22, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa limang araw na heat index forecast ng state weather bureau, posibleng pumalo sa 42°C hanggang 45°C ang heat index sa iba’t ibang lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Naitala ang pinakamataas na heat index na 45°C sa Dagupan City sa Pangasinan; Aparri at Tuguegarao City sa Cagayan; Baler sa Aurora; San Ildefonso sa Bulacan; Sangley Point sa Cavite City; at Alabat sa Quezon.

Posible namang makaranas ng 44°C heat index ang Metro Manila, partikular sa NAIA sa Pasay City, gayundin sa ilang bahagi ng Aurora, Nueva Ecija, Tarlac, Batangas, Quezon, Occidental Mindoro, Iloilo, Siquijor, Northern Samar, Eastern Samar, at Southern Leyte.

Kabilang din sa mga lugar na maaaring makaranas ng 43°C heat index ang Laoag City, Batac sa Ilocos Norte, Bacnotan sa La Union, Isabela, Zambales, Pampanga, Palawan, Camarines Norte, Catanduanes, Sorsogon, Capiz, Iloilo, Eastern Visayas, Zamboanga del Norte, Surigao del Norte, at Agusan del Norte.

Samantala, nasa 42°C naman ang inaasahang heat index sa Quezon City, ilang bahagi ng Ilocos Sur, Cagayan, Batanes, Nueva Vizcaya, Tarlac, Oriental Mindoro, Palawan, Albay, Masbate, Camarines Sur, Negros Occidental, Leyte, at Surigao del Sur.

Ayon sa PAGASA, 19 pang lugar ang inaasahang makararanas ng “extreme caution” heat index na nasa 35°C hanggang 41°C.

Tanging Baguio City sa Benguet ang nasa “caution” level na may 28°C heat index, habang nananatiling “not hazardous” o mababa sa 27°C ang heat index sa La Trinidad at Tuba sa Benguet.

Ipinaliwanag ng PAGASA na ang heat index ay tumutukoy sa init na nararamdaman ng katawan kapag pinagsama ang aktuwal na temperatura at humidity o halumigmig sa hangin.

Pinayuhan naman ng state weather bureau ang publiko na iwasan ang matagal na pagbabad sa labas, gumamit ng payong o sombrero, uminom ng maraming tubig, at iwasan ang labis na pag-inom ng kape, tsaa, at soft drinks. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here