Home HOME BANNER STORY Magulang ng 2 batang natagpuang patay sa kotse, dudang walang foul play

Magulang ng 2 batang natagpuang patay sa kotse, dudang walang foul play

88
0

MANILA, Philippines – Nais ng mga magulang ng dalawang pitong taong gulang na batang lalaki na natagpuang patay sa loob ng isang nakaparadang kotse sa Naga City, Cebu na isailalim sa awtopsiya ang mga bangkay ng kanilang mga anak, sa gitna ng mga pagdududa na maaaring hindi aksidente ang nangyari.

Ayon sa ulat, natagpuan ang mga bangkay ng magkakaibigang sina Remart Cunag at Jeff Xian Abellar noong Miyerkoles sa isang sasakyan sa Purok Yosom, Sitio Bantayan, Barangay Tuyan, Naga City.

Huling nakitang buhay ang dalawa noong Linggo, habang iniulat sa pulisya ng kanilang mga magulang ang pagkawala nila noong Martes.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya gamit ang CCTV footage, nakita umanong naglalaro ang mga bata at nakarating sa parking area kung saan naroon ang nakaparadang sasakyan.

Posible umanong nakapasok ang dalawa sa loob ng kotse at hindi na nakalabas matapos umano itong ma-lock, ayon sa mga awtoridad. Matagal na rin umanong nakaparada ang sasakyan sa lugar matapos pumanaw ang may-ari nito.

Dahil sa advanced state of decomposition ng mga labi, agad na ipinalibing ang mga bata.

Gayunman, sinabi ng pulisya na walang nakitang indikasyon ng foul play sa insidente.

Sa kabila nito, nais ng mga magulang na hukayin ang mga labi ng kanilang mga anak upang ipa-autopsy, matapos mapansin ang mga sugat at bakas ng dugo sa kamay ni Remart, na ikinukonsidera nilang posibleng palatandaan ng pananakit.

Hiling din ng pamilya na mabigyan ng misa at basbas ang mga bata, na hindi na umano nagawa bago sila inilibing dahil sa agarang paglilibing sa kanila. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here