Nanatili bilang Senate President si Alan Peter Cayetano sa kabila ng umuugong na balitang muling magkakaroon ng palitan ng liderato sa Senado ngayong araw, Mayo 18.Kasalukuyang tumatayo bilang presiding judge si Cayetano sa isinasagawang pag-convene ng impeachment court sa Senado para sa paglilitis ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. CESAR MORALES
MANILA, Philippines – Posibleng magsimula sa Hulyo 6 ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Sen. Erwin Tulfo.
Ayon kay Tulfo, binigyan ang kampo ni Duterte ng hanggang Hunyo 1 upang magsumite ng kanilang sagot sa articles of impeachment na ipinadala ng Kamara sa Senado.
Pagkatapos nito, magkakaroon ng 10 araw ang House prosecutors upang maghain ng kanilang tugon, kasunod ang pre-trial proceedings kabilang ang marking of evidence.
“Ang pinaka-trial po talaga ay magsta-start sa July 6, pagkatapos po ng aming break,” ani Tulfo sa panayam sa DZMM.
Dagdag pa niya, maaaring magdaos ng regular Senate sessions tuwing Lunes at Martes sa umaga, habang ang natitirang oras ay ilalaan sa impeachment proceedings. Posible rin umanong ilaan ang Miyerkoles para sa trial at Huwebes para sa hearings at committee work.
“Forthwith nga po eh,” dagdag ng senador, na tumutukoy sa agarang pagsisimula ng paglilitis pagkatapos ng adjournment break ng Kongreso mula Hunyo 6 hanggang Hulyo 26.
Gayunman, sinabi ni Lanao del Sur First District Rep. Zia Alonto Adiong na wala pang natatanggap na pormal na abiso ang House prosecution team hinggil sa eksaktong iskedyul ng impeachment trial.
Tiniyak naman ng 11-member prosecution panel na handa silang tumugon sa anumang iskedyul na itatakda ng impeachment court.
Iginiit din ni Adiong na hindi dapat tingnan ang impeachment trial bilang usaping rehiyonal.
“Bilang kinatawan mula sa Mindanao, nais kong malinaw: ang impeachment trial na ito ay hindi laban sa Mindanao, hindi laban sa Davao, at hindi laban sa anumang rehiyon,” aniya.
Ayon sa Konstitusyon, kailangan ng 16 boto sa 24-seat Senate upang mahatulang guilty si Duterte. Ang hatol ay maaaring magtanggal sa kanya sa puwesto at magbawal sa pagtakbo sa anumang elective office.
Na-impeach si Duterte ng Kamara dahil sa umano’y graft at alegasyon ng assassination plot laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. RNT