MANILA, Philippines – Mas dumami ang itinayong coal power capacity sa buong mundo noong 2025 ngunit bumaba naman ang aktuwal na paggamit nito, ayon sa ulat ng Global Energy Monitor.
Ayon sa pag-aaral na inilabas nitong Huwebes, bumaba ng 0.6% ang global coal generation kumpara sa nakaraang taon, sa kabila ng 3.5% pagtaas ng bagong coal capacity na na-commission o naitayo.
Karamihan ng bagong kapasidad—humigit-kumulang 95%—ay mula sa China at India.
Sa China, tumaas ng 6% ang coal capacity ngunit bumaba ng 1.2% ang coal-powered electricity generation, dahil sa lumalawak na renewable energy capacity. Sa India naman, tumaas ng halos 4% ang kapasidad ngunit bumaba rin ng halos 3% ang paggamit ng coal.
Ayon kay Christine Shearer ng Global Energy Monitor, maraming coal expansion ang nagmumula sa mga rehiyong umaasa sa coal production at may malakas na industrial interest na panatilihin ito.
Sa Estados Unidos, nag-ulat ng pinakamalaking pagtaas sa coal generation, na umabot ng mahigit 80 terawatt hours year-on-year—pinakamalaki sa lahat ng bansa.
Ayon sa ulat, ang pagtaas sa US ay hindi lamang dulot ng demand kundi ng polisiya na tila mas pumapabor sa coal.
Samantala, sinabi ng ulat na halos 70% ng mga coal units na dapat sana ay isinara ay nananatiling operational, dahilan upang maantala ang global transition away from coal.
May mga bansang muling gumamit ng coal plants dahil sa energy crisis at kakulangan ng renewable output, kabilang ang ilang bahagi ng Europe at Asia.
Ayon sa mga energy analysts, bagama’t patuloy na lumalawak ang solar at wind energy, nananatili pa rin ang coal bilang pangunahing pinagkukunan ng kuryente sa maraming bansa dahil sa imprastraktura at polisiya sa enerhiya. Dave Baluyot