Home METRO 11 sa 19 na nasawi sa Toboso clash, positibo sa pulbura

11 sa 19 na nasawi sa Toboso clash, positibo sa pulbura

46
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng mga awtoridad na 11 sa 19 na nasawi sa engkwentro sa Toboso, Negros Occidental ang nagpositibo sa gunpowder residue, na ginamit nilang ebidensya na may naganap na palitan ng putok sa operasyon.

Ayon kay Police Colonel Reynaldo Calaoa, hepe ng Police Regional Forensic Unit sa Negros Island Region, sa isang briefing sa Camp Aguinaldo, Quezon City, lumabas sa forensic test na may gunpowder residue ang 11 bangkay.

“Out of the 19 bodies, 11 were found to be positive for gunpowder. Although there is a follow-up test, it’s still an indication,” ani Calaoa.

Dagdag niya, nakarekober din ng mga fired cartridge cases sa iba’t ibang encounter sites.

“Hindi lang po isang site. May ibang sites din na pinagcollect-an ng cartridge cases. Kung saan-saan ang sinasabing encounter sites. Consistent naman na nakakahanap kami ng cartridge cases,” aniya.

Lumalabas ang mga pahayag sa gitna ng alegasyon na posibleng hindi umano napatay sa engkwentro ang ilan sa mga nasawi.

Gayunman, nilinaw ni Calaoa na ang negatibong resulta sa gunpowder test ay hindi awtomatikong nangangahulugang hindi nagpaputok ang isang tao, dahil maaaring maapektuhan ito ng immersion sa tubig o layo ng pagpapaputok.

Ipinagtanggol naman ni Philippine Army 3rd Infantry Division Commander Major General Michael Samson ang operasyon at sinabing lehitimong engkwentro ito sa mga armadong indibidwal.

“Ang nakasagupa namin were armed. It was a legitimate encounter,” ani Samson, at idinagdag na mahirap tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga nasangkot sa gitna ng engkwentro.

Sinabi rin niyang wala silang intensyong madamay ang mga sibilyan, menor de edad, o mga dayuhan sa operasyon.

Ayon naman kay National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr., humina na umano ang insurgency sa bansa, na tinatayang nasa 800 na lamang ang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa buong bansa.

Dagdag niya, nakatuon na lamang ang natitirang puwersa sa ilang lugar tulad ng Mindoro, ilang bahagi ng Bicol Region, Samar, Leyte, at Negros, habang nagpapatuloy ang mga peace and security efforts sa mga dating apektadong barangay. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here