MANILA, Philippines – Dapat tiyakin ng kasalukuyang liderato ni Senate President Alan Peter Cayetano na mananatiling modelo ng transparency ang Senado sa pagbuo ng pambansang badyet, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Sabado.
Ginawa ni Lacson ang pahayag halos dalawang buwan bago isumite ng Sangay ng Ekhekutibo sa Kongreso ang panukalang badyet para sa 2027 sa Hulyo.
“Sa panahon ni Sen. Sherwin (Gatchalian) at saka ni Tito Sen (Sotto) as finance chairman and Senate President, papunta na kami doon. And I hope sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Alan Peter Cayetano, ma-sustain ang ganoon,” ani Lacson sa panayam sa DZRH radio.
“Kami na maging halimbawa na parang pagdating sa pagitan ng dalawang houses, kami na yung parang pinaka-Big Brother na tinintigalaan nila para sa pagbalangkas man lang ng national budget, maayos,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Lacson ang papel ni Gatchalian sa pagpapatupad ng mga safeguards sa pagbuo ng 2026 General Appropriations Act (GAA). Sa panahong iyon, itinulak ni Gatchalian ang mga institutional safeguards at transparency measures na isinama sa budget bill.
Sa ilalim ng pamumuno ni Gatchalian, naglathala rin ang finance committee ng iba’t ibang dokumentong may kaugnayan sa proseso ng badyet online at tiniyak na natutukoy ang mga nagsusulong ng mga insertions at amendments sa panukalang badyet.
Ang 11-miyembrong Senate minority bloc ay kasalukuyang sumusuporta sa kandidatura ni Gatchalian bilang Senate President, bilang bahagi ng hakbang na ibalik ang integridad ng Senado kasunod ng mga kamakailang kaganapan.
“Sana ma-sustain (ang transparency sa budget) kasi pagdating ng SONA sa July 26, nandiyan na naman ang National Expenditure Program at tatalakayan na ng Kongreso,” diin ni Lacson. Ernie Reyes