MANILA, Philippines – Naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng bagong guidelines na naglilinaw sa mga proseso para sa mga taxpayer na kailangang sumunod sa requirements ng Enhanced Electronic Documentary Stamp Tax (eDST) System.
Nakasaad ang mga bagong alituntunin sa Revenue Memorandum Circular (RMC) No. 107-2026 na inilathala noong Oktubre 1.
Nilalayon nitong gawing mas malinaw ang proseso ng enrollment at paggamit ng system, pati na ang pagresolba sa mga karaniwang problema sa compliance.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, nagbibigay ang Enhanced eDST System ng mas secure at standardized na paraan para sa electronic affixing ng documentary stamps at pagtupad sa documentary stamp tax (DST) obligations.
Sa ilalim ng circular, kailangang mag-enroll ang mga covered taxpayer sa Electronic Filing and Payment System (eFPS) para makapag-file ng BIR Form No. 2000 at makapagbayad ng documentary stamp tax. Kailangan din nilang dumalo sa BIR orientation tungkol sa Enhanced eDST System bago ito gamitin.
Para naman sa mga notary public, kabilang ang mga nagtatrabaho sa law firm o iba pang opisina at mga third-party o outsourced service provider, kinakailangang mag-enroll sa eDST System gamit ang kanilang sariling pangalan at magkaroon ng sariling eDST account.
Kailangan din nilang i-update ang kanilang BIR registration classification sa “Professional” at tiyaking nakatala sa kanilang records ang awtoridad nilang magsagawa ng notarial services.
Naglatag din ang BIR ng safeguards para sa maling pag-affix ng documentary stamp at mga technical problem sa system. Maaaring maghain ng refund claim para sa doble, maramihan o maling pagkaka-affix ng documentary stamps.
Para sa mga taxpayer na makaranas ng system downtime, problema sa connectivity, delayed response o hindi pag-post ng bayad, maaari silang kumuha ng Trouble Ticket Number mula sa BIR Contact Center bilang patunay na nai-report agad ang insidente.
May hanggang Disyembre 31 ang mga taxpayer na sakop ng paggamit ng Enhanced eDST System upang mag-enroll. Para naman sa mga bagong rehistradong taxpayer na sakop ng mandato, kailangan nilang mag-enroll sa loob ng 90 araw mula sa petsa ng kanilang BIR registration.
Habang hindi pa nakakapag-enroll, kailangang patuloy na tuparin ng mga covered taxpayer ang kanilang documentary stamp tax obligations alinsunod sa kasalukuyang mga panuntunan.
Bahagi ang Enhanced eDST System ng Digital and Data Transformation agenda ng BIR sa ilalim ng BIR DARES, na naglalayong gawing mas moderno at episyente ang tax administration at pagsunod ng mga taxpayer sa kanilang mga obligasyon. RNT/JGC