MANILA, Philippines – Muling tumibay ang ugong na magkakaroon ng panibagong kudeta laban sa liderato ni Senate President Alan Peter Cayetano matapos ipahiwatig ni Senador Vicente “Tito” Sotto III ang plano sa pagbubukas ng sesyon bukas, Lunes Mayo 25, 2026.
Sa pahayag, nilinaw ni Sotto na hindi siya nananahimik sa liderato ng Senado bagkus siya mismo ang nagpalutang na gawing senate president si Senador Sherwin “Win” Gatchalian kapalit ni Cayetano.
“I was asked why I have been silent re Senate leadership …..wrong, I was the one who brought out the idea of making Sherwin as SP,” ayon kay Sotto.
Napatalsik si Sotto dalawang linggo ang nakaraang ni Cayetano sa botong 13-9-2 matapos lumutang si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa mula sa anim na buwang pagliban.
Ngunit, ngayon, iniutos ng Department of Justice (DOJ) sa lahat ng law enforcement agencies partikular sa National Bureau of Investigation (NBI) na tugisin ang puganteng senado sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng International Criminal Court (ICC).
Sa tanong ng media kung tiyak na magiging bagong senate president si Gatchalian, sinabi ni Sotto na depende sa bilang ng bagong minorya na magpapalit sa kasalukuyang liderato.
“Depends,” aniya.
Kamakailan, ipinahiwatig din ni Senador Panfilo Lacson na natatangi si Gatchalian na maaaring pagsimulan ng pagbangon ng Senado mula sa kasalukuyan nitong kalagayan.
Ani Lacson, “eminently qualified” si Gatchalian para sa posisyon, at binigyang-diin hindi lamang ang kanyang kakayahan kundi pati ang kanyang kasipagan at pagiging handa sa mga committee hearing at iba pang gawain sa Senado.
“Siya naman capable, qualified, at saka nag-aaral siya talaga. Lahat na committee hearings na kanyang ina-attend o pine-preside nya even, alam niya ang sinasabi niya. Prepared siya lagi. So tingin namin eminently qualified siya to become the SP of the 20th Congress at least,” ani Lacson sa panayam sa DZMM radio.
“Alam naming qualified si Sen. Gatchalian, kaya niyang dalhin ang Senado at magkakaroon ng united front against all issues na bumabalot sa Senado ngayon,” dagdag niya sa panayam sa DZRH.
“Siya ang pwedeng acceptable hindi lang sa aming minority kundi sa ilang senador sa majority sa ngayon.”
Kasabay nito, ipinahayag din ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan kasunod ni Lacson nitong Sabado na gusto ngh SB-11 o Solid Bloc 11 na maging senate president si Gatchalian.
Bukod kina Sotto, Lacson, Pangilinan at Gatchalian, kasama sa SB 11 sina Senador Risa Hontiveros, Bam Aquino, Juan Miguel Zubiri, JV Ejercito, Lito Lapid, at magkapatid na Raffy at Erwin Tulfo.
“Napatunayan niya, lalo na sa mga deliberasyon para sa 2026 national budget, na kaya niyang protektahan ang pera ng bayan at matiyak na mapupunta ang pondo kung saan ito higit na kailangan,” ayon kay Pangilinan.
Kung prinsipyo ang pag-uusapan, giit pa ng senador na may kakayahan, matatag, at patas si Sen. Win.
“Sa usaping praktikal, maaari niyang ipag-isaa ng isang mas malawak, reform-oriented na Senado, na mas balanse, mas may pananagutan, at katanggap-tanggap kahit sa ilang miyembro ng kasalukuyang mayorya. Maging ang kasalukuyang Senate President na si Cayetano ay nagsabi na maaari niyang iboto si Senator Win bilang SP.” Aniya. Ernie Reyes