ALBAY, Philippines – Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pagdami ng volcanic earthquakes at pagtaas ng sulfur dioxide (SO₂) emissions sa Mayon Volcano, ayon sa ulat na inilabas ng ahensya.
Batay sa monitoring, patuloy ang pag-aktibo ng bulkan na indikasyon ng mas mataas na antas ng internal volcanic activity, kabilang ang paggalaw ng magma sa ilalim ng bulkan.
Sa mga nakalipas na bulletin, iniulat ng PHIVOLCS na nakapagtala ang Mayon ng mga volcanic earthquakes, rockfall events, at tuloy-tuloy na degassing mula sa bunganga nito, habang nananatili rin ang crater glow at mahinang pagbuga ng abo at gas.
Ayon sa mga ulat ng ahensya, ang sulfur dioxide emissions ng Mayon ay nagbabago-bago depende sa aktibidad ng bulkan, na umaabot sa mahigit 1,000 hanggang higit 2,000 tonelada kada araw sa ilang monitoring period.
Patuloy namang binabantayan ng PHIVOLCS ang bulkan dahil sa posibilidad ng paglala ng aktibidad, kaya pinapayuhan ang publiko na maging alerto at sumunod sa mga abiso ng awtoridad lalo na sa mga lugar malapit sa danger zone.
Wala pang naiulat na biglaang pagputok sa pinakahuling monitoring, ngunit nananatiling aktibo at may abnormal na kondisyon ang Mayon ayon sa mga volcanologists. RNT/MND