Home NATIONWIDE PBBM: Sunog apog paganahin para maibsan pagbaha sa Maynila

PBBM: Sunog apog paganahin para maibsan pagbaha sa Maynila

46
0

MANILA, Philippines – Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paganahin na ang Sunog Apog Pumping Station sa Tondo, Maynila ngayong Hunyo upang maibsan ang taun-taong inirereklamong matinding pagbaha na nararanasan ng mga residente.

Nakarating kasi sa Pangulo ang mga hinaing ng mga residente na anim na taon nang hindi gumagana ang pumping stations kaya nahihirapan sila tuwing tumataas ang tubig baha lalo na tuwing may habagat o bagyo.

Sa ngayon, tatlo sa apat na heavy-duty electromechanical pumps ang gumana, habang inaasahang mapapagana ang ika-apat na pump pagdating ng Hunyo.

“Nandito tayo sa Sunog Apog Pumping Station. Kaya tayo nandito para makita kung talagang naayos na. Dahil mula noong in-inaugurate ito at binuksan ito noong 2020 ay ni minsan hindi gumana ito. It has never worked at all for six years,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Winika ng Pangulo na kabilang sa rehabilitation efforts ang pagpapalit ng electrical equipment, declogging at cleaning pipelines, at desilting operations sa kalapit waterways at sa loob ng pasilidad para bawasan ang pagtatapon ng basura na dahilan ng paulit-ulit na pump failures.

“So tinrabaho natin ito mula noong November. Sinimulan noong November, ngayon puwede na,” ayon sa Pangulo.

Tinuran pa ng Pangulo na sa nakalipas na disenyo, humihinto ang operasyon ng pumping station matapos ang ilang minuto dahil sa ‘technical at design issues’ na ngayon ay iwinasto na.

“Noong in-on namin ‘yung isang bomba pa lang… pinatakbo namin at 50 percent capacity, kitang-kita ang laki nang binaba na ng tubig. Siguro mga one foot, mga 12 inches ang binaba na kaagad ng tubig,” ayon sa Pangulo.

“Mabuti naayos natin. Nagkakaproblema, nireklamo po ng tao. Tiningnan po natin, pinag-aralan natin. Ngayon, naayos na po natin,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, kasama ng Pangulo sa pag-inspeksyon sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes, MMDA General Manager Nicolas Torre III, at Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here