MANILA, Philippines – Isinailalim sa red alert ang Oriental Mindoro power grid dahil sa kakulangan ng supply ng kuryente, ayon sa mga awtoridad.
Nangangahulugan ito na kulang ang available na kuryente para matugunan ang pangangailangan ng consumers kaya posibleng magkaroon ng brownout sa ilang lugar.
Samantala, muling isinailalim sa yellow alert ang Visayas grid dahil sa patuloy na outage ng ilang coal power plants.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), mababa ang reserve power ng rehiyon dahil sa mga plantang hindi operational at mga planta na limitado ang kapasidad.
Ipinaliwanag ng NGCP na ang yellow alert ay nangangahulugang manipis ang reserbang kuryente ngunit may sapat pang supply para maiwasan ang malawakang pagkawala ng kuryente.
Gayunman, posible pa rin ang localized power interruptions kapag lumala ang sitwasyon.
Ayon pa sa ulat, ilang power plants sa Visayas ang matagal nang naka-forced outage habang may iba namang tumatakbo sa reduced capacity, dahilan upang lumiit ang available supply sa grid. RNT/MND