Home TOP STORIES Mas mataas na tax exemption ceiling, itinutulak ni Villar para mapalaki take-home...

Mas mataas na tax exemption ceiling, itinutulak ni Villar para mapalaki take-home pay ng Pinoys

28
0

Pasay City — Naghain si Senador Mark Villar ng Senate Bill No. 2137, panukalang naglalayong itaas ang taunang income tax exemption ceiling mula ₱250,000 tungo sa ₱360,000 upang mabigyan ng karagdagang ginhawa ang mga manggagawang Pilipino at kanilang pamilya sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga indibidwal na kumikita ng hanggang ₱360,000 kada taon ay exempted sa pagbabayad ng income tax. Layunin nitong mapalaki ang take-home pay ng mga low- at middle-income earners upang mas magamit para sa pagkain, pamasahe, kuryente, edukasyon, kalusugan, at iba pang pangunahing pangangailangan. Nakapaloob din sa panukala ang pag-aayos ng graduated income tax brackets upang mas umayon ito sa kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya at epekto ng inflation.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), inaasahang aabot sa 3.6 porsyento ang inflation ngayong taon, mas mataas sa 3.0 porsyentong target ng pamahalaan. Samantala, ayon sa nakakabahalang datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay maaring magpatuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, langis, kuryente, pamasahe, at iba pang pangunahing bilihin, na lalong nagpapababa sa purchasing power ng mga pamilyang Pilipino.

Ayon kay Senador Villar, hindi na naaayon sa kasalukuyang kalagayang pangkabuhayan ang umiiral na income tax exemption threshold, lalo na’t patuloy na nahihirapan ang maraming manggagawa na pagkasyahin ang kanilang kinikita para sa pangangailangan ng kanilang pamilya.

“Habang patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, dapat lamang na mabigyan ng dagdag na ginhawa ang ating mga manggagawa. Sa pamamagitan ng panukalang ito, mas malaking bahagi ng kanilang kinikita ang maiuuwi nila para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya,” ani Villar.

Dagdag pa ng senador, layunin din ng panukala na makatulong sa pagpapalakas ng household spending at ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapataas ng purchasing power ng mga mamimili.

“Layunin nating magkaroon ng mas patas at mas makataong sistema ng pagbubuwis—bilang pagkilala na din sa hirap at sakripisyo ng ating mga manggagawa, ay susuportahan natin sila sa at isa sa mga hakbang ay pagbibigay ng tax relief,” dagdag pa niya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here