PAMPANGA, Philippines – Nagpadala ang Philippine Red Cross (PRC) ng 38-kataong response team para sa 24-oras na operasyon matapos gumuho ang isang ginagawang siyam na palapag na gusali sa Angeles City, Pampanga noong Mayo 24.
Lumipat na rin sa 24-hour standby duty ang Safety and Emergency Response Units. Kabilang sa mga deployed assets ang isang ambulansya mula sa Pampanga Chapter at isa pang augmentation ambulance mula sa Olongapo Chapter, kasama ang 7-man Collapsed Structure Search and Rescue (CSSR) team at dalawang service vehicles.
Fully operational din ang First Aid Station sa site upang tumulong sa mga responder at posibleng survivors.
Samantala, nagpapatakbo ang Welfare Services ng 24-hour Welfare Desk sa Ospital Ning Angeles. Isang dalawang-kataong team ang nakikipag-ugnayan sa hospital staff at namamahala sa Restoring Family Links (RFL) services, kabilang ang paghahanap sa asawa ng isang nailigtas na manggagawa na nagtatrabaho sa LGU ng Lupi, Camarines Sur.
Nananatili rin sa Incident Command Post ang Disaster Management Services (DMS), habang naka-standby ang mga logistical supplies tulad ng cadaver bags. Nasa high alert din ang Blood Services para matugunan ang posibleng pangangailangan ng dugo ng mga ospital.
Ayon sa PRC, ang inisyal na disaster report mula kay RC143 volunteer Maverick Escoto ang nag-udyok sa agarang koordinasyon ng National Headquarters Operations Center sa BFP Angeles at Angeles CDRRMO.
Patuloy ang operasyon at koordinasyon ng PRC sa mga lokal na ahensya hanggang matapos ang search, rescue, at relief efforts. Jocelyn Tabangcura-Domenden