Home NATIONWIDE Con-Ass proposal ni Sen. Marcos, diversion sa pag-iwas sa impeachment trial –...

Con-Ass proposal ni Sen. Marcos, diversion sa pag-iwas sa impeachment trial – Tinio

30
0

MANILA, Philippines – Binuweltahan ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio si Senator Imee Marcos at tinawag niyang “desperado” matapos nitong buhayin ang usapin ng Constitutional Assembly (Con-Ass).

Ayon sa kongresista, taktika lamang ito upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa nagpapatuloy na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Unang pinalutang ni Sen. Marcos ang hinala na may palihim na planong magbuo ng Con-Ass upang palawigin ang termino ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., habang layon din umano nitong harangin ang posibleng pagtakbo ni VP Duterte sa darating na Eleksyon 2028.

Subalit sa isang panayam, binalewala ni Tinio ang mga pahayag na ito ng senadora.

“Maniwala naman kayo kay Imee?” pasaring ng mambabatas, sabay diin na gagawin ng senadora ang lahat ng paraan para lamang masagip ang bise presidente at mapigilan ang pag-usad ng pagdinig sa Senado.

Ipinaliwanag ni Tinio na gasgas na ang mga linyang Con-Ass, term extension, o ang terminong “No-El” (no election), na matagal nang ginagamit na panakot ng mga politiko kapag may matinding krisis. Giit niya, walang basehan at “patay na” ang naturang usapin kahit pa pasimulan ito.

Ani Tinio, kung totoong may balak ang administrasyong Marcos Jr. na itulak ang pag-amyenda sa Saligang Batas sa ganitong panahon, maituturing itong isang malaking “kahibangan” na maaari lamang maging mitsa ng tuluyang pagbagsak ng kasalukuyang pamahalaan.

Dahil dito, nakiusap si Tinio sa taong-bayan na huwag magpalinlang sa mga ganitong uri ng ingay at political diversion. Sa halip, hinikayat ang publiko na manatiling mapagmatyag at nakatutok sa proseso ng impeachment upang matiyak ang pananagutan ng pangalawang pangulo sa batas. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here