MANILA, Philippines — Iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang posibleng sanhi ng malawakang sunog sa Parola Compound sa Binondo, Maynila noong Sabado, Mayo 23, kabilang ang posibilidad ng sira o substandard na gadget charger at ilegal na koneksyon sa kuryente.
Ayon kay BFP spokesperson FSupt. Anthony Arroyo, natukoy na ng mga imbestigador ang bahay na pinagmulan umano ng sunog, at isasailalim sa electrical analysis ang nakuhang charger mula sa lugar.
“Kinuha natin ‘yong charger at mag-a-undergo ‘yon ng electrical analysis, saka natin malalaman,” ani Arroyo.
Nagpaalala rin siya na maaaring magdulot ng sunog ang mga hindi aprubado ng Department of Trade and Industry (DTI) na charger at iba pang kagamitang elektrikal.
“Maaaring isang dahilan ‘yon kaya ‘yong paulit-ulit naming paalala na ‘yong mga charger na ‘yan lalo na kapag hindi DTI approved… May pagkakataon na hindi dekalidad at sumasabog, nagiging dahilan ng sunog,” dagdag niya.
Tinatayang 1,266 bahay ang natupok sa sunog, na nag-iwan ng libo-libong pamilyang nawalan ng tahanan. Nahihirapan umano ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy dahil sa mga istrukturang gawa sa magagaan na materyales at makikitid na eskinita na hindi mapasok ng mga fire truck.
Ayon sa BFP, isinusulong nila ang modernisasyon ng kanilang kagamitan, kabilang ang posibleng pagkuha ng aerial firefighting assets.
“Kasama yan sa ating BFP Modernization Act, ‘yong pag-procure ng mga modernong kagamitan… Eventually kung may pagkakataon ay nasa plano po ang pag-procure ng mga aerial asset,” ani Arroyo.
Samantala, patuloy na bumabangon ang mga apektadong residente sa pamamagitan ng kung anong paraan upang makaraos sa araw-araw.
Ayon sa tricycle driver na si Allan Dinosta, napilitan siyang magsunog ng mga kable ng kuryente upang makuha ang tansong ibebenta para sa panggastos.
“Yan sir, susunugin, pambiling pagkain. Mga wire din namin diyan, sa kapitbahay. Siyempre kahit papaano may panggastos sa araw-araw,” ani Dinosta.
“Mahirap. Tapos bibili pa ng materyales. Hindi na to biro e. Pamilya na ang nakasalalay dito lalo’t wala kang trabaho. Wala ka ring kakainin.”
Ayon naman sa 16-anyos na si Darlene Maure, maging mga nasunog na barya ay pinakikinabangan nila upang makabili ng bigas.
“Ipapambili po ng bigas. Mahigit isandaan po. Sana po makatulong po sila kahit maliit na bagay lang po,” ani Maure.
Sa kasalukuyan, umaabot sa 2,134 pamilya ang naapektuhan ng sunog, at nasa 500 pamilya pa ang nananatili sa Delpan Evacuation Center. Santi Celario