Home METRO 118 arestado sa kampanya vs ‘sex offenders’ sa Calabarzon

118 arestado sa kampanya vs ‘sex offenders’ sa Calabarzon

59
0

MANILA, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang 118 katao sa magkakahiwalay na operasyon sa CALABARZON sa ilalim ng “Oplan Bantay Dangal,” isang kampanya laban sa mga sex offender, ayon sa Camp BGen Vicente P. Lim sa Calamba City, Laguna.

Isinagawa ang operasyon sa loob ng tatlong araw mula Mayo 22 hanggang 25, 2026, bilang bahagi ng Oplan Bantay Dangal na nakapaloob sa Oplan Galugad at nakatuon sa paghuli sa mga sexual offender at iba pang wanted persons.

Sa 118 na naaresto, 103 ang may bisa ng warrant of arrest habang 15 ang naaresto sa ilalim ng lawful warrantless operations.

Ayon sa pulisya, 59 sa mga nadakip ay kabilang sa Most Wanted Persons, kung saan 20 ay regional level, 24 provincial level, 10 city level, at 5 municipal level.

Batay sa rekord, tinatayang 82 sa mga biktima sa mga kaso ay mga menor de edad. Marami sa mga suspek ang nahaharap sa mga kasong non-bailable, kabilang ang paglabag sa Republic Act No. 8353 o Anti-Rape Law of 1997, Republic Act No. 11648 o Statutory Rape Law, Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act, at Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, gayundin ang Acts of Lasciviousness, Concubinage sa ilalim ng Revised Penal Code, at Robbery with Rape.

Ayon sa PRO CALABARZON sa pamumuno ni PBGen Hansel M. Marantan, bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga sexual offender at iba pang kriminal ang operasyon sa pamamagitan ng intelligence monitoring at koordinadong operasyon ng iba’t ibang police units.

“Nasa tamang direksyon na tayo. Naitala natin ang 50% pagbaba sa 8 focus crimes, na isang magandang indikasyon ng pagiging epektibo ng ating kampanya laban sa kriminalidad. Sa ngayon, mas pinaigting natin ang ating pagtutok laban sa mga sexual offenders upang matiyak ang kaligtasan ng ating mga komunidad, lalo na ng kababaihan at kabataan,” ayon kay Marantan.

Nasa kustodiya ngayon ng pulisya ang mga naarestong suspek sa magkakahiwalay na himpilan. Ellen Apostol

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here