MANILA, Philippines — Ipinahayag ng isang Associate Justice ng Supreme Court (SC) na hindi na kailangan ang warrant of arrest na mula sa hukom sa Pilipinas para maipatupad ang mga kasong sakop ng International Criminal Court (ICC), kasabay ng pagtanggi ng Korte Suprema sa kahilingan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na makakuha ng pansamantalang proteksyon laban sa posibleng pag-aresto.
Sa isang 20-pahinang concurring opinion, sinabi ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa na ang ICC warrant ay hindi nangangailangan ng hiwalay na warrant mula sa korte sa Pilipinas, at tinutulan ang argumentong dapat munang maglabas ng sariling probable cause determination ang mga lokal na hukom.
Ayon kay Caguioa, “unreasonable” ang pananaw na tanging Philippine court lamang ang maaaring maglabas ng balidong warrant, lalo na sa konteksto ng pag-unlad ng international law. Binigyang-diin niya na sa pagsapi ng Pilipinas sa Rome Statute, kinilala nito ang hurisdiksyon ng ICC at hindi maaaring palitan ng lokal na hukuman ang pagpapasya ng ICC sa paglalabas ng warrant.
“In other words, it is clear that there is no need for a separate warrant from a Philippine judge in order to effectuate an arrest for cases cognizable by the ICC,” aniya.
Bahagi ang pahayag na ito ng 9-5-1 na boto ng SC En Banc noong Mayo 20 na tumanggi sa petisyon ni Dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO) at/o status quo ante order (SQAO) upang pigilan ang pagpapatupad ng ICC warrant.
Naglabas din ng kani-kaniyang concurring opinion ang iba pang mahistrado.
Ayon kay Senior Associate Justice Marvic Leonen, karaniwan nang hindi naglalabas ang mga korte ng injunction upang pigilan ang criminal prosecution, at may mga remedyong gaya ng habeas corpus na maaaring gamitin pagkatapos ng pag-aresto.
Sinabi naman ni Associate Justice Rodil Zalameda na nabigo si Dela Rosa na magpakita ng malinaw na karapatan upang bigyang-katwiran ang interim relief, at binigyang-diin na pinahihintulutan ng batas, partikular ang Republic Act 9851, ang posibleng pagsuko sa ICC. Idinagdag din niya na may implikasyon ito sa foreign relations na saklaw ng ehekutibo, at maaari pa ring ilahad ng senador ang kanyang mga argumento sa parehong lokal na hukuman at sa ICC.
Para naman kay Associate Justice Maria Filomena Singh, walang agarang pangangailangan para sa interbensyon ng Korte, at sinabi niyang ang ICC warrant ay hindi Philippine warrant ngunit maaari pa ring magbunsod ng legal na kooperasyon sa ilalim ng batas ng Pilipinas. Binanggit din niya ang naging kilos ni Dela Rosa sa pagkaantala ng proseso, na aniya ay nagpapakita ng “inequitable conduct” na hindi pabor sa pagbibigay ng hinihinging relief.
Binigyang-diin din ni Singh na may pananagutan ang mga nasa pampublikong katungkulan, at walang sinumang opisyal ang maaaring gumamit ng panunumpa sa tungkulin bilang panangga sa pananagutan, at tungkulin ng Korte Suprema na ipatupad ang rule of law. RNT