Home NATIONWIDE Ilang pamilya ng ‘missing sabungeros’ ibinulgar sinasabing P1 bilyong “aregluhan”

Ilang pamilya ng ‘missing sabungeros’ ibinulgar sinasabing P1 bilyong “aregluhan”

31
0

MANILA, Philippines – Isiniwalat ng ilang kaanak ng mga nawawalang sabungero ang umano’y tangkang “aregluhan” na nagkakahalaga ng ₱1 bilyon kaugnay ng kaso ng pagkawala ng ilang sabungero sa bansa.

Sa isang press conference, mariing itinanggi ng grupo na sila ay sangkot sa anumang negosasyon o pagtanggap ng pera mula sa kampo ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.

Ayon sa kanila, may mga indibidwal umano na nagsagawa ng mga pakikipag-usap kaugnay ng posibleng kasunduan, ngunit hindi umano sila kabilang dito.

Sa nasabing press conference, itinuro ng grupo ang ilang personalidad kabilang sina Dianne Loyola, Cha Lasco, at Jaja Peralta na umano’y may kaugnayan sa naturang mga usapan.

Ayon pa sa kanilang pahayag, malapit umano ang mga ito kay Julie “Dondon” Patidongan, na isa rin sa mga personalidad na binanggit sa kontrobersiya.

Sinabi ni Ryan Bautista, isa sa mga kaanak ng mga nawawala, na tila naisantabi umano sila sa ilang pag-uusap kaugnay ng kaso, at iginiit na sila pa umano ngayon ang nasasangkot sa mga alegasyon ng pagtanggap ng pera.

Nauna nang humarap sina Loyola at Lasco sa National Police Commission (NAPOLCOM) kaugnay ng mga ulat hinggil sa umano’y alok ng pera mula kay Atty. Caroline Cruz, isa sa mga abogado ni Ang.

Sa naunang pahayag ni Cruz, kinumpirma niya ang pakikipagkita sa grupo nina Loyola at ang pagbibigay ng tig-₱20,000 bilang tulong-pinansyal, ngunit itinanggi niyang ito ay bahagi ng anumang kasunduan o kapalit ng pag-atras sa kaso, taliwas sa ilang alegasyon.

Samantala, itinanggi rin ni Eloisa Bohol ang mga paratang na tumatanggap umano sila ng buwanang ₱40,000 kapalit ng pag-atras sa reklamo.

Aminado siya na nakatanggap siya ng ₱20,000 mula kay Cruz, ngunit iginiit na ito ay personal na tulong at hindi kabayaran o bahagi ng anumang kasunduan kaugnay ng kaso.

Nanawagan naman si Aurelio Panaligan sa Department of Justice (DOJ) na paigtingin pa ang imbestigasyon at isama sa mas malawak na pagsusuri ang iba pang mga indibidwal na nabanggit sa kontrobersiya.

Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso ng pagkawala ng mga sabungero. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here