MANILA, Philippines — Umabot na sa humigit-kumulang 71 milyon ang bilang ng mga rehistradong botante sa bansa para sa nalalapit na 2026 barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE), ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Martes.
Sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na mas mataas ito kumpara sa 68 milyong rehistradong regular voters noong 2025 national and local elections.
Iniulat din niya na nasa 25 milyon na ang mga rehistradong Sangguniang Kabataan (SK) voters. “More or less kung dati-rati noong 2025 elections ay meron tayong 68 million na botante na regular. Ngayon po meron tayong mga more or less 71 million na regular na mga botante,” pahayag ni Garcia sa isang panayam.
“Ang Sangguniang Kabataan po ay 25 million,” dagdag niya.
Ayon kay Garcia, nasa 5.6 milyon ang bagong nagparehistro mula Oktubre 20, 2025 hanggang Mayo 18, 2026 registration period. Aniya, inaasahang magbubukas muli ang susunod na voter registration sa Pebrero 2027.
Ipinaliwanag din niya na ang mga SK voters ay nasa edad 15 hanggang 30. Ang mga may edad 15 hanggang 17 ay boboto lamang sa SK elections, habang ang mga 18 hanggang 30 anyos ay boboto gamit ang dalawang balota—isa para sa SK elections at isa para sa barangay elections.
Isasagawa ang barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Nobyembre 2, 2026. RNT