Home NATIONWIDE Red tide ibinabala sa katubigan ng Samar, Biliran

Red tide ibinabala sa katubigan ng Samar, Biliran

45
0

TACLOBAN CITY — Naglabas ng red tide warning ang mga health at fisheries authorities sa ilang bahagi ng Samar at kalapit na baybayin matapos magpositibo sa saxitoxin ang seawater at shellfish samples, isang lason na maaaring magdulot ng paralytic shellfish poisoning.

Ayon sa advisory ng regional office ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), nagpositibo sa Pyrodinium bahamense ang seawater samples mula sa Irong-Irong Bay sa Samar, isang uri ng toxic marine dinoflagellate na nagdudulot ng harmful algal bloom o mas kilala bilang red tide.

Nangyayari ang red tide kapag mabilis na dumadami ang microscopic algae sa coastal waters at gumagawa ng lason na naiipon sa shellfish tulad ng tahong, talaba, tulya, at alamang. Kapag nakain ang kontaminadong shellfish, maaari itong magdulot ng malubhang sakit o kamatayan.

Nagpatupad na rin ang mga awtoridad ng shellfish ban sa ilang lugar matapos magpositibo sa saxitoxin ang shellfish meat samples.

Kabilang sa mga apektadong lugar ang Biliran Island, Daram sa Samar, at Matarinao Bay sa Eastern Samar na sumasaklaw sa mga bayan ng General MacArthur, Quinapondan, Hernani, at Salcedo.

Nagpaalala ang BFAR na hindi ligtas kainin ang anumang uri ng shellfish at Acetes species o alamang mula sa mga apektadong katubigan.

Gayunman, ligtas pa ring kainin ang isda, pusit, hipon, at alimango basta’t sariwa at maayos na nilinis, kabilang ang pag-aalis ng lamang-loob tulad ng bituka at hasang.

Hinihikayat ang mga residente at negosyante ng seafood na sumunod sa babala hanggang makumpirma ng laboratory tests na bumaba na sa ligtas na antas ang toxins sa mga apektadong lugar. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here