Home NATIONWIDE Unang aksyon ni Tol: DOLE RD suspendido sa gumuhong gusali sa Pampanga

Unang aksyon ni Tol: DOLE RD suspendido sa gumuhong gusali sa Pampanga

37
0

MANILA, Philippines – Sinuspinde ng bagong talagang Labor Secretary na si Francis Tolentino si Department of Labor and Employment (DOLE) Region III Director Geraldine Panlilio sa loob ng isang buwan matapos ang pagbagsak ng isang gusaling under construction sa Angeles City, Pampanga na ikinasawi ng apat na katao.

Ayon sa ulat ni Super Radyo dzBB reporter Manny Vargas, bahagi ang preventive suspension sa imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan ng mga opisyal ng Labor Department sa insidente.

Sinabi ni Tolentino na sisiyasatin din kung bakit nagpatuloy ang konstruksyon kahit may inilabas nang work stoppage order noong 2025 at kung nagawa ng DOLE ang kinakailangang hakbang para maprotektahan ang mga manggagawa.

Sinabi naman ni Panlilio na tinatanggap niya ang ipinataw na preventive suspension ngunit ikinagulat niya ito. Iginiit niyang walang kapabayaang naganap sa kanilang tanggapan at susundin niya ang kautusan.

Samantala, inanunsyo ng pamahalaang lungsod ng Angeles nitong Martes ng gabi na pormal nang itinigil ang search and rescue operations matapos wala nang makitang palatandaan ng buhay sa ilalim ng gumuhong gusali. Retrieval at clearing operations na ang susunod na isasagawa.

Ayon kay Angeles City public information office chief Jose “Jay” Pelayo IV, apat ang kumpirmadong nasawi, 16 pa ang nawawala, habang 26 naman ang nailigtas sa insidente.

Dagdag ni Pelayo, patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang mga ulat at nangangalap ng datos upang matukoy ang posibleng pananagutan sa insidente. Wala pa rin umanong pahayag mula sa may-ari o contractor ng gusali.

Sinabi rin ng city government na ang pinakahuling permit para sa proyekto ay inilabas noong 2023 habang nagsimula ang konstruksyon noong 2024. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here