MANILA, Philippines – Ikinasa ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang Senate Resolution No. 406 nitong Lunes na naglalayong paimbestigahan ang gumuhong gusali sa Pampanga na ikinamatay ng apat na manggagawa at 17 pang nawawala.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na layunin ng Senate Resolution No. 406 na imbestigahan ang pagguho ng siyam na palapag na ginagawang gusali sa Teodoro St., Brgy. Balibago, Angeles City, Pampanga, na sanhi umano ng di-awtorisadong pagdagdag ng panibagong palapag na nagpabagsak sa integridad ng istruktura.
“Sinasalamin ng aksidenteng ito ang agarang pangangailangan na palakasin ang pagpapatupad ng mga safety regulations sa pagtatayo ng mga gusali, pampubliko man o pribado. Dahil sa huli, ang mga kawawa nating kababayan ang nagdudusa sa kapabayaang ito,” ani Pangilinan.
Itinakda sa resolusyon ang komprehensibong pagsusuri sa National Building Code at katulad na mga regulasyon.
Aniya, dapat palakasin ang occupational safety standards at tiyakin na may mananagot sa sinumang responsableng partido.
“The proposed Senate inquiry seeks to establish whether negligence, substandard materials, unauthorized modifications, insufficient oversight, or deficiencies in permitting, inspection, occupational safety enforcement, and disaster preparedness contributed to the collapse,” giit ng resolusyon.
Lubos na nakiramay naman si Pangilinan, tubong Sto. Tomas, Pampanga, sa mga biktima at kanilang pamilya, at nanawagan sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan na magbigay kaagad ng kaukulang tulong, suportang medikal, at transparent updates sa rescue and recovery operations.
“Ang prayoridad natin ay ang kaligtasan ng ating mga kababayan. Utang natin sa mga biktima na ilabas ang katotohanan tungkol sa insidenteng ito at gumawa ng mga batas at polisiya para maiwasan na mangyari ang mga ganitong trahedya sa darating na panahon,” aniya. Ernie Reyes