Home OPINION FLYING VOTERS BUHAY NA BUHAY MULI SA BARANGAY ELECTIONS

FLYING VOTERS BUHAY NA BUHAY MULI SA BARANGAY ELECTIONS

42
0

TAPOS na ang itinakdang panahon ng Commission on Elections para sa voter’s registration bilang paghahanda sa darating na Barangay at SK Elections ngayong Nobyembre 2026 pero gaya ng mga nakaraang halalan, muling nabuhay ang paggamit ng mga flying voters na matagal nang sakit ng sistemang pampulitika sa barangay.

Hindi na bago sa ating pandinig ang mga kwento ng mga kandidatong nais manatili sa pwesto kaya kumukuha sila ng mga dayo o hindi tunay na residente ng kanilang barangay upang iparehistro kapalit ng pera o anomang pabor.

Nakalulungkot isipin na sa halip na serbisyo at tiwala ng mamamayan ang maging puhunan, mas pinipili pa ng ilan ang panlilinlang at manipulasyon para lamang manatili sa kapangyarihan.

Sa totoo lang, nakapagtataka kung saan kumukuha ng kapal ng mukha ang mga ganitong opisyal dahil kung tunay naman silang mahal ng kanilang nasasakupan, bakit kailangan pa nilang umasa sa flying voters?

Maliwanag na indikasyon lamang ito na alam nilang hindi na sila kayang suportahan ng mga lehitimong residente dahil sawang-sawa na ang mga tao sa kanilang pamamalakad, lalo na kung korapsyon at pansariling interes lamang ang naging sentro ng kanilang panunungkulan.

Mabuti na lamang at may pagkakataon pa ang mga mamamayan upang labanan ang ganitong uri ng pandaraya dahil ayon kay Comelec Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, sa ilalim ng Resolution No. 11224 ng Comelec ay maaaring maghain ng opposition laban sa aplikasyon ng mga kahina-hinalang registrants sa Election Registration Board mula Abril 1 hanggang Mayo 18. Kaya nga lang, ang huling araw ng pagtanggap ng mga Election Officer sa kani-kanilang tanggapan ng mga naturang oposisyon ay hanggang Mayo 25 na lamang.

Kapag naman na-deny ang opposition sa hearing ng Election Registration Board sa Hunyo 1 at tuluyang naaprubahan ang aplikasyon ng rehistrasyon, o kung hindi man nakapaghain ng opposition sa tamang oras, maaari pa ring dumulog sa korte sa pamamagitan ng Petition for Exclusion sa Metropolitan o Municipal Trial Court hanggang Hulyo 20, 2026, alinsunod sa Sections 33 at 35 ng RA 8189 at Section 29 ng RA 6646.

Ang laban kontra flying voters ay hindi lamang trabaho ng Comelec kundi responsibilidad din ito ng bawat mamamayan na nais magkaroon ng malinis at patas na halalan.

Kapag hinayaan nating manaig ang pandaraya, tayo rin ang magdurusa sa mga opisyal na walang malasakit kundi ang manatili sa pwesto.

Panahon na para matauhan ang mga botante. Ang barangay ay dapat pinamumunuan ng mga lider na tunay na naglilingkod, hindi ng mga politikong sanay sa pandaraya at korapsyon. Hindi dapat pera, pananakot, o flying voters ang magdikta kung sino ang mamumuno sa komunidad.

Doon naman sa mga tiwaling opisyal na gumagamit ng ganitong maruming sistema, baka dumating ang araw na singilin kayo ng konsensya at karma sa lahat ng panlilinlang na inyong ginagawa sa taumbayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here