MANILA, Philippines – Pinuna ni Senate President Alan Peter Cayetano kamakailan ang pananahimik ng ilang senador mula sa Minority bloc o tinawag na Solid Bloc 11 tungkol sa pananakit sa isang empleyado ng Senado habang mabilis naman nilang kinondena ang video presentation ni Senador Imee Marcos.
Nagkaroon ng tensyon sa sesyon ng Senado noong May 25 matapos ang privilege speech ni Marcos tungkol sa umano’y lihim na pag-uusap para buhayin ang Constitutional Assembly na layong baguhin ang 1987 Constitution. Dawit umano rito si dating Senate President Vicente Sotto III.
Habang nagsasalita si Marcos, nagpakita siya ng video na agad tinutulan ni Senador Juan Miguel Zubiri. Ayon kay Zubiri, lumabag ito sa Senate Rules dahil sa nakakasakit at maling pahayag laban sa kapwa senador at sa Senado. Karamihan sa Minority senators ay sumang-ayon sa pagtutol, maliban kay Senador Lito Lapid.
Depensa naman ni Senador Rodante Marcoleta, madalas ding makatanggap ng batikos at paninira ang Majority bloc sa loob at labas ng Senado.
Sa kanyang manifestation, hiniling ni Cayetano kay Marcos na bawiin ang video. Pero kinuwestiyon din niya kung bakit maraming senador ang maingay sa usapin ng ‘dignidad ng Senado’ dahil sa video pero tahimik naman sa mas seryosong insidente na pananakit sa isang empleyado ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA).
*Magkaibang bersyon ng ‘dangal’*
Ayon kay Cayetano, may mga nagsasabing bumagsak ang imahe ng Senado matapos ang mga pangyayari noong May 11.
“Ano ang nasabi last week? Bumagsak daw ang Senado. Sabi, ‘ibalik ang dignidad ng Senado.’ I’ll take it with good faith. Ang problema, iyan ang narrative ng Minority. Na simula noong May 11, bumagsak ang imahe ng Senado. Ba’t ba nag-umpisa ito at bakit ba nangyari y’ung May 13 incident?” aniya.
Bilang patunay, nagpakita siya ng video ng mga ahente ng National Bureau of Investigation o NBI na sinasaktan si Terrence Lim, isang empleyado ng OSAA.
Ayon kay Cayetano, nagsimula ang insidente matapos maglabas ang Senado ng contempt order laban sa ilang NBI agents na humabol kay Senador Ronald dela Rosa sa loob ng Senate complex noong May 11.
Naging Senate President rin si Cayetano noong araw na muling nagpakita si dela Rosa sa Senado matapos mawala sa publiko ng ilang buwan dahil sa mga ulat tungkol sa posibleng warrant of arrest mula sa International Criminal Court o ICC kaugnay ng crimes against humanity.
“We ordered the arrest of NBI agents because they were held in contempt. Y’ung mga nakipaghabulan kay Sen. Bato. When they were leaving the building, nagtulakan. Kinuha ng mga taga-NBI si Terrence Lim ng Office of the Sergeant-at-Arms at ginulpi,” sabi ni Cayetano.
Sinabi niya na habang palabas ng gusali ang NBI agents, nagkaroon ng tulakan at kinuha nila si Terrence Lim at binugbog.
Dagdag pa ni Cayetano, pinigilan ng mga NBI agent ang ibang OSAA personnel na tulungan si Lim. Pinosasan pa siya at pilit na isakay sa sasakyan ng NBI para dalhin sa kanilang headquarters.
“That’s inside our Senate premises! Have I heard anyone say that the dignity of the Senate is at stake here? Nanggulpi ang NBI sa loob ng ating premises. Ayaw sumunod sa order ng SP at tinakot pa ang ibang OSAA,” giit ni Cayetano.
Aniya, iisa lamang mula sa Minority ang narinig niyang nagkomento tungkol sa insidente.
“Isa lang po sa Minority ang narinig kong nagsalita — si Migz Zubiri, the former Senate President. Did you ever hear me say anything about that? No. Because we are waiting for the independent investigation,” sabi pa niya.
Sa pagtatapos, hinikayat ni Cayetano ang mga senador na bumalik sa pagtutok sa paggawa ng batas kaysa sa pamumulitika.
“Can we go back to talking again? Isa ang tama sa sinabi ninyo: People are watching us,” aniya. Ernie Reyes