Home METRO 2 iiwas sa ‘Oplan Sita’ nakasaga sa ng pulis, nahulihan ng marijuana,...

2 iiwas sa ‘Oplan Sita’ nakasaga sa ng pulis, nahulihan ng marijuana, tiklo

29
0

MANILA,  Philippines – Iiwas sana sa isinasagawang ‘Oplan Sita’ ang dalawang magkaangkas sa motorsiklo nang maaresto ang mga ito nang salpukin nila ang isa sa mga pulis at makumpiskahan pa ng marijuana, napaulat kagabi sa Valenzuela City.

Batay sa report na ipinadala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang mga naarestong suspek ay nakilala sa mga alyas na  “Jake”, 22, delivery rider, at “Arnold”, 22, online seller, kapwa residente ng lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon, nagsasagawa ng Intensified Anti-Criminality Operation ‘Oplan Sita’ ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 7 sa Bypass Road, Brgy., Bignay nang parahin nila ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo dakong alas-7:50 ng gabi para sa beripikasyon.

Sa halip na huminto, pinaharuruot umano ni alyas Jake ang minamanehong motorsiklo at binangga si P/MSg Gilbert Orellano hanggang sumemplang ang mga ito na naging dahilan ng kanilang pagkakaaresto.

Nakumpiska ni P/SSg. Sebastian Balicdang sa loob ng nasirang sling bag ni alyas Arnold ang anim plastic sachets na naglalaman ng nasa 30.31 grams ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P3,637 at isang weighing scale.

Habang sa isinagawang beripikasyon para sa mga dokumento ng minamanehong motorsiklo ni ‘Jake’, nadiskubre sa loob ng compartment ang dalawa pang transparent plastic sachet na naglalaman din ng nasa 10.10 grams umano’y pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P1,212 at isang glass tube pipe.

Kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa ng pulisya laban sa mga suspek at karagdagan pa paglabag sa Art 148 (Direct Assault) of RPC ang ikinaso kay ‘Jake’. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here